Pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur ang Resolution No. 131, Series of 2026, na hayagang nagpapahayag ng matinding pagtutol sa panukalang humihikayat sa Kongreso ng Pilipinas na palitan ang pangalan ng lalawigan bilang “Province of Buayan.”
Sa ika-28 regular session ng Ikalawang Sangguniang Panlalawigan, sa pamumuno ni Vice Governor Hisham Salendab Nando bilang Presiding Officer, iginiit ng mga mambabatas ng lalawigan na ang naturang panukala ay sumasalungat sa prinsipyo ng inklusibong pamamahala, social cohesion, at demokratikong proseso na dapat isinusulong sa Bangsamoro.
Ayon sa resolusyon, ang Maguindanao del Sur ay binubuo ng tatlong pantay at magkakaugnay na ancestral identities — Kabuntalan, Buayan, at Maguindanaon — na sama-samang humubog sa kasaysayan, kultura, at kolektibong identidad ng lalawigan. Binigyang-diin ng Sanggunian na ang kasalukuyang pangalan ng probinsya ay nagsisilbing inklusibo at nagbubuklod, at hindi nagbibigay-pribilehiyo sa iisang identidad laban sa iba.
Mariin ding tinukoy sa resolusyon na ang panukalang pagpapalit ng pangalan ay likas na may kinikilingan, dahil itinataas umano nito ang isang ancestral identity habang isinasantabi o minamarginalisa ang dalawa pang kapantay na grupo—isang hakbang na maaaring magdulot ng historical imbalance at panlipunang pagkakahati.
Binigyang-babala rin ng Sanggunian na ang pagpapalit ng pangalan ng isang lalawigan ay hindi simpleng simbolikong hakbang, kundi isang malaking polisiya na may legal, administratibo, piskal, at panlipunang implikasyon, kabilang ang epekto sa mga batas, opisyal na rekord, institusyon, at sa pakiramdam ng pag-aari at pagkakakilanlan ng mamamayan.
Lalong pinuna ng Sangguniang Panlalawigan ang kawalan ng sapat na abiso, malawakang konsultasyon, at partisipasyon ng mga apektadong sektor—kabilang ang mga lokal na pamahalaan, tradisyunal na lider, kababaihan, kabataan, at civil society—bago isulong ang panukala. Anila, ang ganitong hakbang ay salungat sa diwa ng autonomy, transparency, at participatory governance.
Ipinunto rin sa resolusyon ang probisyon ng Bangsamoro Local Government Code, na nagsasaad na ang pagbabago ng pangalan ng isang local government unit ay maaari lamang gawin kung may malinaw at makatarungang dahilan, at hindi maaaring basta-basta o madalas isinasagawa, lalo na kung walang pahintulot ng mamamayan.
Sa huli, muling pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan ang pantay na pagkilala at paggalang sa Bangsa Kabuntalan, Bangsa Buayan, at Bangsa Maguindanaon, at iginiit na ang anumang panukala hinggil sa pangalan o identidad ng lalawigan ay dapat dumaan sa komprehensibong konsultasyon sa buong probinsya, malinaw na proseso, at tahasang pagpapahayag ng kalooban ng taumbayan, kabilang ang plebisito kung kinakailangan.
Ang Resolution No. 131 ay unanimously approved at ipapadala sa House of Representatives, Senate of the Philippines, Office of the Chief Minister, at iba pang kaugnay na Bangsamoro ministries at ahensya para sa kanilang kaalaman at gabay—isang malinaw na mensahe na ang identidad ng Maguindanao del Sur ay hindi maaaring baguhin nang hindi kinikilala ang boses at pagkakaisa ng buong mamamayan.









Views Today : 85
Views Yesterday : 174
Views Last 7 days : 1052
Views Last 30 days : 3593
Views This Month : 2532
Views This Year : 25111
Total views : 37246
Leave a Reply