Mariing iginiit ni Atty. Algamar Latiph sa pagdinig ng Senado na ang patuloy na pagkaantala ng unang Bangsamoro Parliamentary Election ay direktang paglabag sa diwa ng Bangsamoro Organic Law (BOL) at sa karapatan ng mamamayang Bangsamoro sa self-determination at self-governance.
Sa Public Hearing ng Senate Committee on Local Government na pinangunahan ni Juan Miguel Zubiri, binigyang-diin ni Latiph na apat na beses nang ipinagkait sa Bangsamoro ang karapatang bumoto—mula Mayo 2022, Mayo 2025, Oktubre 2025, hanggang sa planong halalan noong Marso 30, 2026 na muli na namang ipinagpaliban.
“Ang demokrasya ay halalan,” mariing pahayag ni Latiph. “Kung walang halal na pamahalaan, walang tunay na gobyerno.”
Ayon sa kanya, malinaw ang itinatadhana ng Bangsamoro Organic Law: ang pamahalaang rehiyonal ay dapat halal at kinatawan ng taumbayan. Subalit sa kabila nito, mahigit sampung taon na umanong walang pagkakataong pumili ng sariling lider ang Bangsamoro, isang sitwasyong hindi umano nararanasan sa ibang rehiyon ng bansa.
Tinukoy rin ni Latiph ang Republic Act No. 12123 bilang isang buhay at umiiral na batas na nagtakda ng halalan noong Oktubre 13, 2025—isang batas na hindi pa kailanman idineklarang unconstitutional ng Supreme Court of the Philippines. Aniya, hindi na kailangan ng panibagong batas upang magdaos ng halalan, sapagkat malinaw na ang mandato ng umiiral na batas at ng desisyon ng Korte Suprema sa kasong Lanang Ali vs. BTA.
Binasa ni Latiph ang bahagi ng desisyon ng Korte Suprema na nag-uutos sa Commission on Elections na isagawa ang halalan “not later than March 31, 2026,” at binigyang-diin na ang naturang desisyon ay “immediately executory” at nananatiling may bisa.
Bukod sa usaping legal, nagbabala rin si Latiph sa mas malalim na implikasyon sa kapayapaan at seguridad. Ayon sa mga pag-aaral sa violent extremism, ang political exclusion ay isa sa mga pangunahing salik na nagbubunsod ng radikalisasyon at karahasan. “Kapag patuloy na isinasantabi ang mamamayan sa proseso ng desisyon, lumilikha ito ng puwang na maaaring samantalahin ng ekstremismo,” aniya, na iniuugnay ang ganitong kondisyon sa mga pangyayaring humantong sa Marawi siege noong 2017.
Sa huli, nanawagan si Latiph sa Senado at sa COMELEC na ipatupad ang umiiral na batas at igalang ang desisyon ng Korte Suprema, upang tuldukan na ang mahabang panahon ng unelected governance sa Bangsamoro.
“Pinangako ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro ang demokrasya,” giit niya. “Hanggang ngayon, wala pa rin ito. Ang tanong: susundin ba natin ang batas, o patuloy nating ipagkakait ang karapatan ng Bangsamoro?”








Views Today : 130
Views Yesterday : 129
Views Last 7 days : 708
Views Last 30 days : 3657
Views This Month : 2375
Views This Year : 18237
Total views : 30372
Leave a Reply