Cotabato City — Isang malaking operasyon kontra ilegal na droga ang nagresulta sa pagkakadakip ng apat na suspek at pagkakalansag ng isang drug den sa Barangay Bagua 3 nitong Pebrero 25, 2026.
Sa pangunguna ng PDEA-BARMM, katuwang ang CCPO-Police Station 1, CIU, CPDEU, CMFC, RDEU, 1404th RMFB14-A, PNP Maritime, at Cotabato Public Safety Office, isinagawa ang buy-bust operation bandang 11:20 ng umaga laban kay alyas “Gale,” 40 anyos, na itinuturing na High-Value Target (HVT), at sa kaniyang mga kasabwat.
Kasamang naaresto sina alyas “Nhe,” 32; alyas “Liit,” 18; at alyas “Tha,” 41. Samantala, nakatakas ang isa nilang kasama matapos umanong magpaputok ng baril laban sa mga operatiba at kasalukuyang tinutugis sa isinagawang hot pursuit operation.
Nasamsam sa operasyon ang isang sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na 0.5 gramo na nagkakahalaga ng ₱6,800 bilang object of sale, at walong (8) sachet na may kabuuang tinatayang 12 gramo na may halagang ₱81,600 bilang object of possession. Kabuuang aabot sa mahigit ₱88,000 ang halaga ng nakumpiskang droga batay sa Dangerous Drugs Board valuation.
Narekober din ang marked money na ₱500, isang cellphone, weighing scale, gunting, improvised tooter, aluminum foil strips na may residue, disposable lighters, at iba pang drug paraphernalia.
Patuloy ang imbestigasyon at manhunt operation laban sa tumakas na suspek habang pinagtitibay ng mga awtoridad ang kampanya laban sa ilegal na droga sa lungsod.







Views Today : 33
Views Yesterday : 58
Views Last 7 days : 1035
Views Last 30 days : 5368
Views This Month : 91
Views This Year : 9104
Total views : 21239
Leave a Reply