Matagumpay na naisagawa ang kauna-unahang Provincial Convention of Peace and Order and Public Safety (POPS) Coordinators sa Maguindanao del Sur bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng kapayapaan, seguridad, at maayos na pamamahala sa lalawigan.
Sa unang araw ng convention, nakatuon ang mga talakayan sa pagpapahusay ng kakayahan ng mga POPS Coordinators bilang pangunahing katuwang ng lokal na pamahalaan sa pagpapanatili ng peace and order. Kabilang sa mga tinalakay ang POC at ADAC compliance, wastong dokumentasyon, at epektibong paghahanda ng mga pagpupulong upang higit na mapalakas ang transparency at accountability sa pamamahala.
Binigyang-diin din ang pagpapalalim ng koordinasyon sa pagitan ng law enforcement agencies at mga local government units upang higit pang mapalakas ang kampanya laban sa kriminalidad. Kasabay nito, ipinakilala rin ang Early Warning Early Response (EWER) system bilang mahalagang mekanismo sa maagap na pagtukoy at pagresponde sa mga posibleng sigalot sa komunidad.
Samantala, sa ikalawang araw, mas pinaigting ang usapin sa partisipasyon ng iba’t ibang sektor sa usaping pangkapayapaan at seguridad. Tinalakay ang mahalagang papel ng Community Force Auxiliary Group (CFAG), gayundin ang Balik-Baril Program at wastong pamamahala ng Small Arms and Light Weapons (SALW) upang mabawasan ang insidente ng karahasan at mapanatili ang katatagan ng mga komunidad.
Sa kabuuan, itinuturing ang convention bilang mahalagang hakbang sa pagpapalakas ng kolaborasyon, mahusay na pamamahala, at pagpapanatili ng pangmatagalang kapayapaan sa Maguindanao del Sur.







Views Today : 36
Views Yesterday : 295
Views Last 7 days : 986
Views Last 30 days : 3706
Views This Month : 789
Views This Year : 23368
Total views : 35503
Leave a Reply