GENERAL SALIPADA K. PENDATUN, MAGUINDANAO DEL SUR – Bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng inklusibong kaunlaran, nagsagawa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur sa pamumuno ni Governor Datu Ali M. Midtimbang, Sr. ng isang convergence activity sa ilalim ng Cluster T ng GIVE HEART Program noong Hunyo 15, 2026.
Isa sa mga tampok na aktibidad ang Orientation on the Expanded Solo Parent Welfare Act (Republic Act No. 11861) na dinaluhan ng 15 solo parents mula sa mga bayan ng Pandag, General Salipada K. Pendatun, at Paglat, na inendorso ng kani-kanilang Municipal Social Welfare and Development Offices (MSWDOs).
Layunin ng oryentasyon na palawakin ang kaalaman ng mga kalahok hinggil sa kanilang mga karapatan, benepisyo, at responsibilidad bilang solo parents, gayundin ang mga programang maaaring makatulong sa pagpapabuti ng kanilang kabuhayan at kalagayang pang-ekonomiya.
Sa talakayan na pinangunahan ni Ms. Omayra B. Kedtong ng MSWDO, ipinaliwanag ang iba’t ibang programa at serbisyong maaaring mapakinabangan ng mga solo parent upang mapalakas ang kanilang kakayahang suportahan ang kanilang pamilya at makamit ang mas matatag na pinagkukunan ng kita.
Bilang pangunahing bahagi ng programa, tumanggap ang bawat kwalipikadong benepisyaryo ng ₱10,000 Capital Seed Assistance mula sa Pamahalaang Panlalawigan. Ang naturang tulong ay inilaan bilang panimulang puhunan para sa maliliit na negosyo at iba pang livelihood activities na makatutulong sa paglikha ng pangmatagalang kabuhayan.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga benepisyaryo sa suportang kanilang natanggap, na anila’y malaking tulong upang mapabuti ang kalagayang pinansyal ng kanilang mga pamilya at magkaroon ng mas maliwanag na kinabukasan.
Sa pamamagitan ng ganitong mga programa, patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur ang mga serbisyong nagbibigay ng oportunidad, nagsusulong ng self-sufficiency, at nagpapalakas sa mga sektor na higit na nangangailangan ng suporta.








Views Today : 47
Views Yesterday : 113
Views Last 7 days : 904
Views Last 30 days : 3655
Views This Month : 1934
Views This Year : 24513
Total views : 36648
Leave a Reply