𝐏𝐃𝐄𝐀, 𝐌𝐏𝐎𝐒-𝐁𝐀𝐑𝐌𝐌 𝐍𝐀𝐆𝐋𝐔𝐍𝐒𝐀𝐃 𝐍𝐆 𝐈𝐍𝐅𝐎𝐑𝐌𝐀𝐓𝐈𝐎𝐍 𝐃𝐑𝐈𝐕𝐄 𝐊𝐎𝐍𝐓𝐑𝐀 𝐈𝐋𝐄𝐆𝐀𝐋 𝐍𝐀 𝐃𝐑𝐎𝐆𝐀 𝐒𝐀 𝐃𝐀𝐓𝐔 𝐎𝐃𝐈𝐍 𝐒𝐈𝐍𝐒𝐔𝐀𝐓

Nagsagawa ng Information Drive Against Illegal Drugs ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Ministry of Public Order and Safety (MPOS)-BARMM noong Hunyo 22, 2026 sa bayan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Datu Odin Sinsuat at ang Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station.

Dinaluhan ang programa ng mga residente at kinatawan mula sa mga barangay ng Makir, Kakar, at Taviran bilang bahagi ng pinaigting na kampanya upang mapalawak ang kamalayan ng publiko hinggil sa masasamang epekto ng ilegal na droga at mahikayat ang aktibong partisipasyon ng komunidad sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.

Sa pagbubukas ng programa, binigyang-diin ng kinatawan ng MPOS-BARMM ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan ng pamahalaan at mamamayan sa paglaban sa ilegal na droga at iba pang banta sa komunidad.

Nagbigay rin ng mensahe si Maungangen Mayor Abdulmain “Baba” Abas kung saan hinikayat niya ang bawat mamamayan na maging katuwang ng pamahalaan sa pagsusulong ng isang ligtas, mapayapa, at drug-free na pamayanan.

Samantala, ibinahagi ni PDEA-BARMM Regional Director Edgar T. Jubay ang kasalukuyang estado ng kampanya kontra ilegal na droga sa rehiyon at ang patuloy na koordinasyon ng ahensya sa mga lokal na pamahalaan at iba pang katuwang na institusyon upang mapalakas ang mga hakbang laban sa ipinagbabawal na gamot.

Nagkaroon din ng mga presentasyon mula sa PDEA at Philippine National Police (PNP) hinggil sa mga umiiral na programa at estratehiya laban sa ilegal na droga, kabilang ang mga hakbang para sa prevention, awareness, at law enforcement efforts sa mga komunidad.

Ibinahagi rin ni Municipal Anti-Drug Abuse Council (MADAC) Focal Person Bai Anizzah Mapandala ang iba’t ibang community-based interventions at mga programang ipinatutupad ng lokal na pamahalaan upang mapanatiling ligtas ang mga residente at mapigilan ang paglaganap ng ilegal na droga sa bayan.

Ayon sa mga organizer, mahalagang papel ang ginagampanan ng mga mamamayan sa pagtataguyod ng isang mapayapa at maunlad na komunidad, kung saan ang kamalayan at kooperasyon ng bawat isa ay susi sa matagumpay na kampanya laban sa ilegal na droga.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Our Visitor

028762
Views Today : 76
Views Yesterday : 109
Views Last 7 days : 856
Views Last 30 days : 3804
Views This Month : 3300
Views This Year : 29894
Total views : 42029