PAPEDTAYAN, ILINUNSAD SA MAGUINDANAO DEL SUR: MGA INA, ITINANGHAL BILANG PUSO NG KOMUNIDAD

Tunay na ang lakas at tibok ng bawat komunidad ay nagmumula sa mga Ina—isang paninindigang muling pinatunayan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur sa paglulunsad ng programang PAPEDTAYAN, na ginanap kahapon, Disyembre 12, 2025, sa Datu Anggal Midtimbang.

Sa inisyatibo ni Governor Datu Ali M. Midtimbang, opisyal na inilunsad ang PAPEDTAYAN bilang isang makabuluhang programa na nagbibigay-pagkilala, lakas, at oportunidad sa kababaihan—lalo na sa mga Ina—bilang haligi ng pamilya at pangunahing puwersa ng kaunlaran sa komunidad.

Layunin ng programa na palakasin ang sektor ng kababaihan, partikular ang mga marginalized women kabilang ang mga Umahat, kasapi ng SWC at BIWAB, at iba’t ibang women cooperatives sa lalawigan, sa pamamagitan ng mga pangkabuhayang suporta at konkretong interbensyon upang higit pang umunlad ang kanilang kabuhayan at kakayahang pang-ekonomiya.

Hinihikayat din ng PAPEDTAYAN ang aktibo at makabuluhang partisipasyon ng kababaihan sa pagpaplano, paggawa ng desisyon, at pamumuno, bilang mahalagang katuwang sa pagtataguyod ng matibay, mapayapa, at maunlad na mga komunidad.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Vice Governor Ustadh Hisham Nando ang mataas na pagpapahalaga ng Islam sa kababaihan, lalo na sa mga Ina. Ibinahagi niya ang isang Hadith kung saan tinanong ang Propeta Muhammad (Sumakanya ang Kapayapaan at Pagpapala ng Allah) kung sino ang dapat unahin sa paggawa ng kabutihan—tatlong ulit binanggit ang “ang iyong ina” bago ang “ang iyong ama,” na malinaw na nagpapakita ng natatanging dangal at bigat ng papel ng Ina sa buhay ng tao.

Lubos ding sinuportahan ni Mayor Datu Nathaniel Midtimbang ang adhikain ng programa, binigyang-diin ang sakripisyo, tiyaga, at walang kapantay na pagmamahal ng bawat Ina, at iginiit na nararapat lamang silang kilalanin, pahalagahan, at arugain ng pamahalaan.

Bilang bahagi ng paglulunsad, tumanggap ang mga benepisyaryo ng sewing machines, iba’t ibang gamit pangkabuhayan, at cash assistance—mga konkretong tulong na magsisilbing puhunan para sa mas matatag at masiglang kabuhayan ng kanilang mga pamilya at kooperatiba.

Nagpahayag naman ng taos-pusong pasasalamat si Melan Sayutin ng Datu Saudi Ampatuan, isa sa mga napiling benepisyaryo, at ibinahagi ang malaking tulong ng programa sa kanilang kooperatiba at sa kanilang pag-asang makaahon sa buhay.

Ang salitang PAPEDTAYAN ay salitang Maguindanaon na nangangahulugang minamahal o lubos na pinapahalagahan. Bilang isang acronym, ito ay sumasagisag sa “Pagmamahal at Alaga, Positibong Pananaw sa Buhay, Ehemplo na may Dedikasyon, Tapat na may Abilidad, Yakap ng Isang Ina, at Asenso na may Ngiti sa Bawat Hamon ng Buhay.”

Sa ilalim ng Serbisyong May Puso, ang PAPEDTAYAN ay patunay ng paninindigan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur na ang tunay na kaunlaran ay nagsisimula sa pagbibigay-lakas at pag-aaruga sa mga Ina—ang tunay na puso ng bawat komunidad.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Our Visitor

026291
Views Today : 46
Views Yesterday : 47
Views Last 7 days : 1379
Views Last 30 days : 4127
Views This Month : 3930
Views This Year : 26509
Total views : 38644