Naglabas ng opisyal na pahayag ang Ministry of the Interior and Local Government (MILG) upang linawin ang isyung umalingawngaw sa social media kaugnay ng pamimigay ng food packs sa labas ng Bangsamoro Government Center (BGC) kasabay ng isinagawang Multi-Sectoral Peace Rally noong Enero 26, 2026.
Ayon sa pahayag ni MP Tomanda D. Antok, Special Assistant to the Minister ng MILG, walang anumang utos, pahintulot, o sanction mula sa alinmang ministeryo ang ibinigay kaugnay ng nasabing insidente, at hindi ito dapat ituring bilang opisyal na aksyon o posisyon ng Bangsamoro Government.
Ipinaliwanag na ang ilang empleyadong nasangkot ay hindi pa batid ang nagaganap na rally at ang naging kilos ay kusang-loob at makataong tugon lamang, na hinubog ng kanilang pagsasanay sa rescue at emergency response at ng personal na malasakit sa ilang kakilala sa hanay ng mga kalahok. Binigyang-diin din na ang rally ay malinaw na nakatuon sa Bangsamoro Parliament at hindi sa mga ministeryo, kaya’t hindi nararapat na iugnay ang insidente sa anumang polisiya o direktiba ng pamahalaan.
Lumabas ang paglilinaw matapos umani ng samu’t saring komento at batikos ang pamimigay ng ayuda, habang iginiit naman ng ilang nagrally na ang kanilang pagtitipon ay panawagan at hindi paghingi ng tulong. Sa kabuuan, binigyang-diin ng MILG na ang nasabing pangyayari ay hindi sumasalamin sa opisyal na tindig ng Bangsamoro Government at nanawagan sa publiko na maging maingat sa interpretasyon at pagpapakalat ng impormasyon upang hindi mailihis ang tunay na konteksto ng naganap.








Views Today : 56
Views Yesterday : 132
Views Last 7 days : 966
Views Last 30 days : 3739
Views This Month : 1115
Views This Year : 16977
Total views : 29112
Leave a Reply