“𝐒𝐔𝐊𝐃𝐔𝐋𝐀𝐍 𝐍𝐀 𝐀𝐍𝐆 𝐏𝐀𝐆𝐇𝐈𝐇𝐈𝐍𝐓𝐀𝐘” — 𝐔𝐁𝐉𝐏 𝐁𝐈𝐍𝐀𝐁𝐀𝐓𝐈𝐊𝐎𝐒 𝐀𝐍𝐆 𝐏𝐀𝐍𝐈𝐁𝐀𝐆𝐎𝐍𝐆 𝐏𝐎𝐒𝐓𝐏𝐎𝐍𝐄𝐌𝐄𝐍𝐓 𝐒𝐂𝐄𝐍𝐀𝐑𝐈𝐎

Mariing nanindigan ang United Bangsamoro Justice Party (UBJP) laban sa panukalang Senate Bill No. 1587, na ayon sa partido ay maaaring magbukas ng panibagong pagkaantala sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections—isang hakbang na tahasang sisira sa tiwala ng mamamayang Bangsamoro at maglalagay sa alanganin ang mismong pundasyon ng peace process.

Sa isinumiteng position paper ng UBJP sa Senado noong Pebrero 5, 2026, malinaw na inilahad ng partido ang buong suporta nito sa agarang pagsasagawa ng halalan, bilang pagtupad sa obligasyon ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa ilalim ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro. Ipinabatid din ng UBJP ang pagbati at paninindigan ni Al Haj Murad Ebrahim, Party President ng UBJP at Chairman ng MILF, na handang magpasakop sa kalooban ng mamamayan—manalo man o matalo—sa isang malaya, tapat, at mapayapang eleksyon.

Binigyang-diin ng UBJP na ang unang Bangsamoro Parliamentary Election ay apat na beses nang naipagpaliban, at ang pinakahuli ay bunga ng kabiguang tumupad ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) sa malinaw na direktiba ng Supreme Court of the Philippines. Ayon sa desisyon sa kasong Lanang Ali Jr. et al. vs. BTA, inatasan ang BTA at ang Commission on Elections (COMELEC) na ihanda at idaos ang halalan hindi lalampas sa Marso 31, 2026. Gayunman, inamin ng UBJP na 72 araw na lumagpas sa itinakdang deadline ang BTA sa pagpasa ng redistricting law—isang pagkukulang na direktang nagresulta sa panibagong deferment ng eleksyon.

Lalong naging mariin ang babala ng UBJP matapos ipasa ng BTA Parliament noong Enero 28, 2026 ang malawakang pag-amyenda sa Bangsamoro Electoral Code. Ayon sa partido, ang biglaang pagbabagong ito—kabilang ang pagbawas sa required membership ng political parties, pagbaba ng electoral threshold, revocation ng accreditation ng sectoral organizations at political parties, at pagbabago sa paraan ng halalan ng sectoral representatives—ay epektibong “nire-reset” ang tatlong taong paghahanda ng COMELEC. Tinawag ito ng UBJP na mga “red flag” na maaaring sinasadyang maglatag ng batayan para sa panibagong postponement.

Mariin ding tinutulan ng UBJP ang pagbawi sa bisa ng mga accreditation na dati nang ipinagkaloob ng COMELEC, at iginiit na dapat igalang ang legal na katayuan ng mga rehiyonal na partido at sectoral organizations. Ayon sa partido, ang sektoralisadong halalan sa pamamagitan ng sectoral assemblies—hindi direktang botohan—ang tanging paraan upang maiwasan ang disenfranchisement ng mga kababaihan, kabataan, ulama, traditional leaders, at settler communities.

Sa huli, iginiit ng UBJP na ang unang Bangsamoro Parliamentary Election ay hindi ordinaryong eleksyon, kundi isang mahalagang commitment ng National Government at ng MILF na mahigpit na minomonitor ng international community. Babala ng partido: kapag nanaig ang realpolitik kaysa sa estratehikong layunin ng kapayapaan, ang tunay na talo ay ang Bangsamoro people mismo.

Nanawagan ang UBJP sa Senado at sa COMELEC na magtakda at tumindig sa isang pinal at hindi na mababaling petsa ng halalan, at tiyaking ito ay ganap na maisasakatuparan—bilang sukatan ng kredibilidad ng demokratikong transisyon sa Bangsamoro.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Our Visitor

020809
Views Today : 126
Views Yesterday : 129
Views Last 7 days : 704
Views Last 30 days : 3653
Views This Month : 2371
Views This Year : 18233
Total views : 30368