Naglabas ng Executive Order No. 003, Series of 2026 ang Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur na nag-uutos ng pansamantalang pagsuspinde ng lahat ng klase sa lahat ng antas, pampubliko at pribado, ngayong Biyernes, Pebrero 6, 2026, bunsod ng banta at inaasahang epekto ng Tropical Storm “BASYANG.”
Ang kautusan ay nilagdaan at ipinalabas sa ilalim ng awtoridad ni Datu Ali M. Midtimbang, bilang bahagi ng maagap at preventibong hakbang ng pamahalaang panlalawigan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at kawani ng mga paaralan sa gitna ng masamang panahon.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, ang suspensyon ng klase ay naglalayong maiwasan ang panganib dulot ng malalakas na pag-ulan, pagbaha, at iba pang posibleng epekto ng bagyo, lalo na sa mga lugar na itinuturing na vulnerable sa landslide at flooding.
Pinayuhan ang publiko na manatiling mapagmatyag, sumunod sa mga opisyal na abiso ng mga kinauukulang ahensiya, at iwasan ang hindi kinakailangang paglalakbay habang patuloy na mino-monitor ang galaw ng bagyo. Binigyang-diin ng pamahalaan na ang kaligtasan ng mamamayan, lalo na ng kabataan, ang pangunahing prayoridad sa panahong ito.
Maglalabas ang Pamahalaang Panlalawigan ng karagdagang anunsyo kung kinakailangan, batay sa magiging lagay ng panahon at rekomendasyon ng disaster response authorities.







Views Today : 126
Views Yesterday : 129
Views Last 7 days : 704
Views Last 30 days : 3653
Views This Month : 2371
Views This Year : 18233
Total views : 30368
Leave a Reply