SHARIFF SAYDONA MUSTAPHA, Maguindanao del Sur — Daan-daang residente ang nakinabang sa isinagawang Medical Mission sa bayan ng Shariff Saydona Mustapha, kung saan libreng serbisyong pangkalusugan ang inilapit sa mga mamamayan bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng accessible healthcare sa lalawigan.
Kabilang sa mga serbisyong ipinagkaloob ang libreng medical check-up, konsultasyon, gamot, at bitamina para sa mga benepisyaryo, partikular sa mga senior citizens, kababaihan, at mga bata.
Ayon sa mga organizer, layunin ng programa na matugunan ang pangunahing pangangailangang pangkalusugan ng mga residente, lalo na ang mga may limitadong kakayahang makapagpakonsulta sa mga espesyalista at health facilities.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga benepisyaryo sa patuloy na suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur sa ilalim ng pamumuno ni Governor Datu Ali M. Midtimbang Sr., na nagsusulong ng mga programang naglalapit ng serbisyong medikal sa mga komunidad.
Dumalo rin sa aktibidad si Municipal Vice Mayor Datu Andal Sajid S. Ampatuan na nagbigay ng mensahe ng suporta at pagkakaisa para sa kapakanan ng mga mamamayan ng bayan.
Kinilala rin ang mahalagang papel ng mga volunteer health workers, mga doktor, midwives, Rural Health Unit (RHU) personnel, at mga kawani ng lokal na pamahalaan na nagtulong-tulong upang maging matagumpay ang naturang programa.
Ayon sa mga residente, malaking tulong ang Medical Mission sa pagpapagaan ng kanilang gastusin at pagbibigay ng agarang serbisyong medikal sa kanilang komunidad.
Patuloy namang isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ang mga programang pangkalusugan bilang bahagi ng layuning makapaghatid ng dekalidad at inklusibong serbisyo sa bawat mamamayan ng Maguindanao del Sur.









Views Today : 73
Views Yesterday : 109
Views Last 7 days : 853
Views Last 30 days : 3801
Views This Month : 3297
Views This Year : 29891
Total views : 42026
Leave a Reply