Patuloy ang hakbang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur sa pagsusulong ng konektividad at kaunlaran sa mga upland communities, lalo na sa mga katutubong pamayanan. Pinangunahan nina Governor Datu Ali M. Midtimbang at Vice Governor Ustadz Hisham S. Nando ang isang coordination meeting at site inspection sa Barangay Fugotan, Talayan, na nasa hangganan ng Talayan at South Upi.
Layunin ng aktibidad na ito na suriin ang planong Farm-to-Market Road at Bridge Project, isang pangunahing inisyatiba na magpapalakas sa road network ng lalawigan at magbibigay ng mas madaling access sa mga IP communities para sa kalakalan, serbisyo, at oportunidad sa kabuhayan.
Kabilang sa mga lumahok sina Board Member Hon. Rahib Nando, Chairperson ng Committee on Infrastructure; PCOL Salman Sultan H. Sapal ng PNP; at mga kinatawan mula sa PRDP-MAFAR-BARMM, Provincial Engineering Office, at MCX International.
Sa inspeksyon, sinuri ng grupo ang 40-kilometrong provincial road na nagdurugtong sa mga bayan ng Talayan, Guindulungan, Datu Saudi Ampatuan, Datu Unsay, Datu Hoffer, at South Upi — isang mahalagang ruta na itinuturing na arterya ng pag-unlad sa lalawigan.
Ayon kay Gov. Midtimbang, ang proyekto ay hindi lamang daan para sa kalakalan kundi daan tungo sa inklusibong pag-unlad, lalo na para sa mga kababayan sa kabundukan.
“Ang bawat kilometro ng kalsada ay tulay ng oportunidad,” aniya. “Tungkulin nating tiyakin na ang progreso ay abot kahit sa pinakamalayong sitio.”
Sa ilalim ng kanyang pamumuno, nananatiling pokus ng pamahalaang panlalawigan ang pagpapalakas ng imprastraktura, pagsuporta sa IP communities, at pagtatatag ng balanseng kaunlaran sa buong Maguindanao del Sur.








Views Today : 47
Views Yesterday : 153
Views Last 7 days : 703
Views Last 30 days : 3598
Views This Month : 2445
Views This Year : 18307
Total views : 30442
Leave a Reply