COTABATO CITY, Philippines — Sa layuning palakasin ang pagkakaisa, moral na pamumuno, at ugnayan sa pagitan ng mga Ulama at pamahalaan, matagumpay na idinaos ang Bangsamoro Ulama Conference 2025 na pinangasiwaan ng Darul Ifta’ ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa pamumuno ni Grand Mufti Sheikh Abdulrauf A. Guialani.
Dinaluhan ng mga Ulama, Asatidz, at Du’at mula sa iba’t ibang lalawigan ng BARMM, ang pagtitipon ay nagsilbing plataporma para sa mas malalim na pagtalakay sa papel ng mga tagapagturo ng Islam sa pagtataguyod ng moral governance at paghubog ng makabuluhang polisiya para sa Bangsamoro.
Dumalo sa naturang kumperensiya si Vice Governor Ustadz Hisham S. Nando, bilang kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur sa ilalim ng pamumuno ni Governor Datu Ali M. Midtimbang, Al Haj.
Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Vice Governor Nando ang buong suporta ng probinsya sa Darul Ifta’, Hay’atul Ulama, at iba pang samahan ng mga Ulama sa rehiyon. Kanyang binigyang-diin na ang kooperasyon ng pamahalaan at mga tagapayo ng pananampalataya ay dapat hindi lamang manatili sa salita kundi maisakatuparan sa pamamagitan ng mga konkretong aksyon at polisiya.
“Our cooperation should not remain in words alone — we must turn it into action, so that the Fatwas of the Darul Ifta’ may become institutionalized and embedded in governance,” ani Nando.
Dagdag pa niya, patuloy ang pangako ng Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur na suportahan ang mga Ulama sa pagsusulong ng moral governance, Islamic education, at community development para sa ikauunlad ng buong Bangsamoro.
Kasama ring dumalo sa kumperensiya at kinilala sa programa sina Hon. Mohammad Yacob, bagong Speaker ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament, at Sheikh Muslim Guiamaden, bagong Wāli ng Bangsamoro, na kapwa nagpahayag ng kanilang inspirasyong patuloy na palakasin ang pagkakaisa, pananampalataya, at moral na pamumuno sa rehiyon.
Ang Bangsamoro Ulama Conference 2025 ay nagsilbing patunay ng matibay na ugnayan ng pamahalaan at mga tagapagturo ng Islam tungo sa mas matatag, maayos, at makataong pamamahala na nakaugat sa prinsipyo ng Islamic moral governance.








Views Today : 63
Views Yesterday : 47
Views Last 7 days : 622
Views Last 30 days : 3527
Views This Month : 2092
Views This Year : 17954
Total views : 30089
Leave a Reply