LAMITAN CITY — Dumating na sa lungsod kahapon ang matagal nang inaasahang delivery at distribusyon ng mga school devices at supplies para sa Lamitan City Division Office ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE).
Sa ilalim ng pamumuno ni Minister Mohagher Iqbal, ipinapakita ng hakbang na ito ang matibay na pangako ng MBHTE sa pagbibigay ng dekalidad na edukasyon para sa bawat mag-aaral sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Aabot sa 56 paaralan, kabilang ang mga elementarya at sekondarya, ang makatatanggap ng mga bagong kagamitan pang-eskwela sa pangangasiwa ni Dr. Tim Undain Sanchez, Schools Division Superintendent (SDS) ng Lamitan City Division Office.
Bukod dito, tatanggap din ng mga laptop ang mga Alternative Learning System (ALS) implementers, bilang bahagi ng programa upang higit pang mapalakas ang inclusive learning at digital education sa mga liblib na komunidad.
Ayon sa MBHTE, ang mga kagamitang ito ay magsisilbing suporta sa mga guro at mag-aaral upang mas mapaunlad ang proseso ng pagtuturo at pagkatuto, at mapabilis ang pag-angkop sa makabagong teknolohiya sa edukasyon.
Ang inisyatibang ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng MBHTE na itaguyod ang edukasyon bilang pundasyon ng kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon. Sa pamamagitan ng mga ganitong proyekto, patuloy na isinusulong ng Bangsamoro Government ang isang sistemang pang-edukasyon na makatao, makabago, at makatarungan para sa lahat.








Views Today : 68
Views Yesterday : 47
Views Last 7 days : 627
Views Last 30 days : 3532
Views This Month : 2097
Views This Year : 17959
Total views : 30094
Leave a Reply