DANAO CITY, CEBU — Sa harap ng matinding pinsalang dulot ng super bagyong Tino at Uwan, ipinamalas ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang tunay na diwa ng pagkakaisa at malasakit. Nagpadala ang Ministry of Health (MOH)-BARMM ng 25 medical frontliners mula sa IPHO-Maguindanao upang magbigay ng tulong-medikal sa pinakaapektadong komunidad sa Cebu.
Ang grupo ay binubuo ng 8 doctor at 17 nurse, hinati sa tatlong composite medical teams na nakatalaga sa Danao City at Sogod, Cebu mula Nobyembre 19–22.
Pinangunahan ni Dr. Mohammad Ariff A. Baguindali, IPHO-Maguindanao Chief, ang team upang maihatid ang serbisyong medikal sa:
- Cebu Provincial Hospital – Danao City
- City Health Office – Danao City
- Juan B. Dosado Memorial Hospital – Sogod
Sa loob lamang ng ilang araw, nakapagsilbi sila sa 891 pasyente—mula konsultasyon, wound care, pediatric check-ups, maternal care, hanggang emergency management para sa mga sugatan at may acute illnesses.
Ayon kay Dr. Baguindali, “We are here to help ease the pain through our medical mission. We feel you; we are one with you in these trying times.”
Nagkaroon ng courtesy call ang BARMM medical team kay DOH-7 Regional Director Dr. Joshua Brillantes. Malugod nitong tinanggap ang Bangsamoro delegation at nagpaabot ng pasasalamat.
Ayon kay Dr. Brillantes:
“We are very happy that you are here. Your presence is a big help to us. Our gratitude to IPHO-Maguindanao, to Minister Sinolinding, and to BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua.”
Sa parehong araw, kinilala rin ang pahayag ni BARMM Health Minister Dr. Kadil “Jojo” M. Sinolinding, Jr., na nagsabing ang misyon na ito ay bahagi ng responsibilidad ng Bangsamoro Government sa pag-abot ng tulong saan man ito kailangan—hindi lamang sa BARMM kundi maging sa ibang rehiyon.
Matapos ang matagumpay na misyon ng IPHO-Maguindanao, inanunsyo ni Dr. Baguindali na IPHO-Lanao del Sur, sa pangunguna ni Dr. Alinader Minalang, ang susunod na ipadadala sa Cebu simula Nobyembre 23 upang ipagpatuloy ang medical outreach ng BARMM.
Kasabay nito, tinalakay din ang naunang deployment ng MOH-BARMM sa Negros Island Region (NIR) mula Nobyembre 15–18, kung saan 41 medical practitioners ang naunang tumulong sa mga nasalanta doon.
Ang patuloy na pag-abot ng BARMM sa mga lugar na wala sa kanilang hurisdiksyon ay naglalatag ng malinaw na mensahe—ang humanitarian mission ng Bangsamoro Government ay para sa lahat ng Pilipino, saan mang rehiyon sila naroroon.
Ang pagpapadala ng health workers sa Cebu at Negros ay hindi lamang operasyon; ito ay simbolo ng pagkakaisa ng Mindanao at Visayas, at patunay na ang BARMM ay handang tumulong kahit sa gitna ng sariling mga hamon sa rehiyon.







Views Today : 81
Views Yesterday : 47
Views Last 7 days : 640
Views Last 30 days : 3545
Views This Month : 2110
Views This Year : 17972
Total views : 30107
Leave a Reply