Ibinahagi ni Nathaniel Midtimbang, LMP President at alkalde ng Datu Anggal Mitimbang, ang malawak at pangmatagalang plano ng Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur na palakasin ang sektor ng agrikultura at lokal na ekonomiya sa pamamagitan ng seedling at livestock dispersal, at agresibong pag-akit ng mga negosyo sa bayan.
Ayon kay Mayor Midtimbang, nakahanda na ang probinsya sa pamamahagi ng mga punla ng niyog at kape, kabilang ang mga seedling na mula sa nursery na binili na ng pamahalaan. Layunin nitong maparami ang tanim at gawing mas produktibo ang malalawak na lupain ng Maguindanao del Sur na matagal nang hindi lubos na napapakinabangan.
Isinasagawa ang mga paghahanda sa pakikipag-ugnayan ng gobernador, bise gobernador, mga miyembro ng sangguniang panlalawigan, at kinatawan ng Kongreso upang pagtibayin ang mga plano hindi lamang sa seedling dispersal kundi pati sa livestock dispersal at iba pang suportang pang-agrikultura.
Binigyang-diin ni Midtimbang na likas na agrikultural ang probinsya at nararapat lamang na paunlarin kung ano ang mayroon. Aniya, sayang ang lawak ng lupa kung mananatili lamang itong tiwangwang, kaya’t kailangang ituon ang pamumuhunan sa mga proyektong direktang makapag-aangat sa kabuhayan ng mamamayan.
Kasabay nito, sinabi ng alkalde na dumarami ang mga negosyanteng nagpapahayag ng intensyong magtayo ng negosyo sa Datu Anggal Mitimbang—mula sa money remittance centers, transport terminals, supply stores, coffee shops, hanggang mga kainan—na inaasahang magbubukas ng mas maraming trabaho at oportunidad para sa mga residente.
Tiniyak naman ni Midtimbang na seguridad at kaayusan ang pangunahing garantiya ng lokal na pamahalaan sa mga mamumuhunan. Nanawagan din siya sa mga mamamayan at opisyal ng barangay na magkaisa sa pangangalaga ng kapayapaan, dahil aniya, ang pag-unlad ng Datu Anggal Mitimbang ay tagumpay hindi lamang ng isang lider kundi ng buong komunidad.
“Kung uunlad ang Datu Anggal Mitimbang, hindi lang isang tao ang kikilalanin—ang buong bayan ang aangat at makikilala,” ani Midtimbang, na nagpahayag ng hangaring gawing bukas, ligtas, at maunlad na lugar para sa lahat ang kanilang bayan at maging sentro ng pag-unlad sa buong probinsya.






Views Today : 36
Views Yesterday : 99
Views Last 7 days : 1600
Views Last 30 days : 4021
Views This Month : 3547
Views This Year : 26126
Total views : 38261
Leave a Reply