𝐂𝐇𝐈𝐄𝐅 𝐌𝐈𝐍𝐈𝐒𝐓𝐄𝐑 𝐌𝐀𝐂𝐀𝐂𝐔𝐀 𝐈𝐍𝐔𝐓𝐔𝐒𝐀𝐍 𝐀𝐍𝐆 𝐀𝐆𝐀𝐑𝐀𝐍𝐆 𝐈𝐌𝐁𝐄𝐒𝐓𝐈𝐆𝐀𝐒𝐘𝐎𝐍 𝐒𝐀 𝐏𝐀𝐆-𝐀𝐓𝐀𝐊𝐄

Mariing kinondena ng Pamahalaang Bangsamoro ang pananambang laban sa convoy ni Akmad Mitra Ampatuan, Punong Bayan ng Shariff Aguak, na naganap noong umaga ng Enero 25, 2026 sa Barangay Poblacion, Shariff Aguak, lalawigan ng Maguindanao del Sur.

Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ni Abdulraof A. Macacua, Chief Minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), na batay sa paunang ulat ay pinaputukan ang sasakyan ng alkalde. Bagama’t hindi nasaktan si Mayor Ampatuan, dalawa (2) sa kanyang security escort ang nasugatan at agad na isinugod sa pagamutan upang mabigyan ng kaukulang lunas.

Ayon sa Chief Minister, kasalukuyang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang mga salarin at ganap na mabuo ang mga pangyayari sa likod ng insidente. Dagdag pa niya, inatasan na ang mga kinauukulang ahensya na magsagawa ng mabilis, komprehensibo, at patas na imbestigasyon, at tiyaking mapapanagot ang mga responsable alinsunod sa batas.

Binigyang-diin ni Macacua na ang due process at katarungan ay dapat manaig, at walang sinuman ang dapat papanagutin nang walang sapat na batayan. Kasabay nito, hinimok niya ang publiko na umiwas sa espekulasyon at sa pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon, at hayaan ang mga institusyon ng pamahalaan na gampanan ang kanilang tungkulin nang may karunungan at pananagutan.

Ipinahayag din ng Chief Minister ang kanyang pakikiramay at pakikiisa kay Mayor Ampatuan at sa mamamayan ng Shariff Aguak, sabay pagtitiyak na buong suporta ng Pamahalaang Bangsamoro ang nakalaan sa kanila sa panahong ito ng pagsubok.

Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, muling pinagtibay ni Macacua na ang Pamahalaang Bangsamoro ay nananatiling matatag sa pagtataguyod ng moral governance, kaligtasan ng publiko, at kapayapaan at kaayusan sa rehiyon. Aniya, sa gabay ng pananampalataya, tuntunin ng batas, at kolektibong pananagutan, patuloy na kikilos ang pamahalaan tungo sa isang mapayapa at maayos na Bangsamoro.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Our Visitor

020782
Views Today : 80
Views Yesterday : 129
Views Last 7 days : 658
Views Last 30 days : 3607
Views This Month : 2325
Views This Year : 18187
Total views : 30322