COTABATO CITY — Upang mas mapalawak ang kaalaman ng publiko hinggil sa Bangsamoro Critical Assistance in Response to Emergency Situations (B-CARES), inilunsad ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) ang isang malawakang information drive katuwang ang mga partner pharmacies sa buong rehiyon ngayong Enero 27, 2026.
Bilang bahagi ng inisyatiba, naglagay ang MSSD ng mga information materials sa piling sangay ng Mercury Drug upang masigurong abot-kamay ng mga mamamayang Bangsamoro ang impormasyon hinggil sa mga serbisyong medikal at tulong-pinansyal na maaaring mapakinabangan sa oras ng pangangailangan.
Pinangunahan ni B-CARES Program Focal Bai Fatty S. Accoy ang turnover ng mga materyales, katuwang ang mga branch manager ng Mercury Drug na sina Anne Zigra Ykutanen ng Sinsuat Branch, Kristofferson G. Cayena ng Magallanes Branch, at Sheila Marie C. Uy ng SK Pendatun–Almonte Branch, na pawang nagpahayag ng suporta sa patuloy na pakikipagtulungan sa Bangsamoro Government.
Ang B-CARES ay isa sa mga flagship programs ng MSSD na nagbibigay ng agarang tulong para sa medical assistance, laboratory tests, bayarin sa ospital, at burial assistance, lalo na sa mga pamilyang nahaharap sa biglaang emergency at krisis pangkalusugan.
Batay sa datos noong 2025, umabot na sa 31,899 na kliyente ang matagumpay na natulungan ng B-CARES sa pamamagitan ng ugnayan nito sa Mercury Drug—isang malinaw na patunay ng epektibong public–private partnership sa pagtugon sa mga pangangailangang medikal ng mga Bangsamoro.
Ayon sa MSSD, ang pinalakas na information drive ay bahagi ng mas malawak na layunin ng pamahalaan na walang Bangsamoro ang maiwan pagdating sa access sa serbisyong pangkalusugan, at na ang tamang impormasyon ay kasinghalaga ng mismong tulong na ibinibigay.









Views Today : 47
Views Yesterday : 132
Views Last 7 days : 957
Views Last 30 days : 3730
Views This Month : 1106
Views This Year : 16968
Total views : 29103
Leave a Reply