Habang nasa kritikal na yugto ng transisyon ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), umani ng matinding batikos ang mga panukalang batas sa Bangsamoro Transition Authority (BTA) na naglalayong hatiin ang mga pangunahing ministeryo—kabilang ang Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) sa ilalim ng BTA Bill No. 47, pati ang MAFAR at MENRE sa magkakahiwalay na panukala.
Ayon kay Datu Abdelwin A. Sangkula, Bangsamoro professional at policy observer, ang mga panukalang ito ay kontra-produktibo, wala sa tamang panahon, at isang maling paggamit ng kapangyarihang lehislatibo sa gitna ng isang marupok ngunit makasaysayang yugto ng institusyon-building.
“Pitong taon nang nag-iinvest ang Bangsamoro ng daan-daang milyong piso upang buuin ang mga institusyong ito. Ngayon, bigla natin silang gigibain sa pangalan ng reporma—na walang malinaw na ebidensya na gaganda ang resulta,” ani Sangkula.
Partikular na tinuligsa ni Sangkula ang BTA Bill No. 47 o ang tinaguriang Bangsamoro Education Reorganization Act, na nagmumungkahing paghiwalayin ang MBHTE. Giit niya, malubhang pagkakamali sa polisiya ang pagbibintang sa istruktura ng MBHTE bilang sanhi ng mababang education outcomes sa rehiyon.
Ang mababang literacy, mahinang cohort survival, at kakulangan sa reading proficiency, ayon sa kanya, ay hindi produkto ng consolidation, kundi bunga ng dekada-dekadang kahirapan, armadong tunggalian, kakulangan sa guro, at sirang imprastruktura—mga problemang minana pa ng BARMM bago ito mabuo.
“Hindi bumagsak ang edukasyon dahil sa MBHTE. Matagal na itong bagsak bago pa man ipanganak ang BARMM,” diin niya.
Binalaan din ni Sangkula na ang pagpapira-piraso ng edukasyon ay magdudulot ng policy silos, mas maraming burukrasya, dagdag na gastos, at mas mabagal na serbisyo. Sa halip na solusyunan ang delay sa sahod, procurement, at hiring, lalo lamang umano itong lalala dahil dadami ang payroll systems, accounting units, at compliance risks.
Dagdag pa niya, ang malaking badyet ng MBHTE ay hindi indikasyon ng kapalpakan, kundi repleksyon ng katotohanang education ang pinakamalaking gastos ng kahit anong gobyerno sa mundo, dahil teacher-heavy ito.
Pinakamabigat sa lahat, ayon kay Sangkula, ang timing ng panukala. Sa nalalapit na unang regular parliamentary elections, ang biglaang reorganization ay iiwan ang susunod na Parlamento ng isang watak-watak, hindi tapos, at magulong sistema.
“Sa halip na ipamana ang isang matatag na institusyon, ipapamana natin ang kaguluhan,” babala niya.
Iginiit din ni Sangkula na ang paghahati sa MBHTE ay tahasang salungat sa layunin ng Republic Act No. 11054 (Bangsamoro Organic Law), na malinaw na nagtataguyod ng integrated education system bilang tugon sa dating watak-watak na pamamahala sa edukasyon.
Ang MBHTE, aniya, ay hindi aksidente, kundi sadyang disenyo ng batas upang buuin ang isang iisang human capital pipeline para sa Bangsamoro.
Walang datos, walang ebidensya, at walang lohika na magpapatunay na ang paghahati ng MBHTE ay magpapabuti sa edukasyon sa Bangsamoro. Ang tunay na kailangan ng rehiyon ay institutional maturity, hindi institutional surgery.
“Ang solusyon ay palakasin ang MBHTE, hindi wasakin ito,” pagtatapos ni Datu Abdelwin A. Sangkula.








Views Today : 86
Views Yesterday : 129
Views Last 7 days : 664
Views Last 30 days : 3613
Views This Month : 2331
Views This Year : 18193
Total views : 30328
Leave a Reply