𝐆𝐈𝐕𝐄 𝐇𝐄𝐀𝐑𝐓 𝐂𝐀𝐌𝐏𝐀𝐈𝐆𝐍 𝐍𝐆 𝐌𝐀𝐆𝐔𝐈𝐍𝐃𝐀𝐍𝐀𝐎 𝐃𝐄𝐋 𝐒𝐔𝐑 𝐌𝐔𝐋𝐈𝐍𝐆 𝐔𝐌𝐀𝐁𝐎𝐓 𝐒𝐀 𝐃𝐀𝐓𝐔 𝐇𝐎𝐅𝐅𝐄𝐑, 𝐃𝐀𝐀𝐍-𝐃𝐀𝐀𝐍𝐆 𝐑𝐄𝐒𝐈𝐃𝐄𝐍𝐓𝐄 𝐍𝐀𝐓𝐔𝐋𝐔𝐍𝐆𝐀𝐍

Muling ipinamalas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur ang adbokasiya nitong ilapit ang serbisyo sa mamamayan matapos magsagawa ng isang malawakang medical mission sa Bayan ng Datu Hoffer noong Enero 26, 2026, bilang bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng GIVE HEART Campaign na sinimulan noong nakaraang taon. Ang aktibidad ay pinangunahan ni Governor Datu Ali M. Midtimbang, katuwang si Vice Governor Ustadz Hisham S. Nando, sa ilalim ng paninindigang “Serbisyong May Puso” na layong tiyaking walang sektor ang napag-iiwanan.

Sa isinagawang medical mission, daan-daang residente mula sa iba’t ibang barangay ng Datu Hoffer ang direktang nakinabang sa libreng serbisyong pangkalusugan at tulong panlipunan, partikular ang mga pamilyang may limitadong access sa pasilidad medikal. Pinagsanib na puwersa ng mga health workers at iba’t ibang tanggapan ng probinsya ang nagbigay ng libreng medical check-up at konsultasyon, pamamahagi ng mga gamot, dental services kabilang ang tooth extraction, at tuli para sa mga kabataan.

Bukod dito, ipinamahagi rin ang reading glasses, tsinelas, at wheelchairs para sa mga persons with disabilities at senior citizens, habang isinagawa ang feeding program para sa mga bata bilang tugon sa pangangailangang nutrisyon ng komunidad. Ayon sa mga benepisyaryo, malaking ginhawa ang hatid ng serbisyong ito, lalo na para sa mga pamilyang hirap makabiyahe patungo sa malalayong ospital at health centers.

Higit pa sa pisikal na serbisyong naihatid, binigyang-diin ng pamahalaang panlalawigan na ang GIVE HEART Campaign ay simbolo ng malasakit, pakikinig, at paggalang sa dignidad ng bawat mamamayan. Ang aktibidad ay nagsilbing konkretong patunay na ang serbisyong pampubliko ay dapat may kasamang pag-unawa at tunay na malasakit sa kalagayan ng komunidad.

Patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur ang GIVE HEART Campaign bilang bahagi ng pangmatagalang estratehiya upang palakasin ang sektor ng kalusugan at serbisyong panlipunan sa lalawigan. Sa ilalim ng pamumuno ni Governor Datu Ali M. Midtimbang, nananatiling malinaw ang direksyon ng pamahalaan—ilapit ang serbisyo sa tao, patatagin ang tiwala ng mamamayan sa gobyerno, at maghatid ng pag-asa at ginhawa sa bawat sulok ng Maguindanao del Sur.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Our Visitor

020784
Views Today : 86
Views Yesterday : 129
Views Last 7 days : 664
Views Last 30 days : 3613
Views This Month : 2331
Views This Year : 18193
Total views : 30328