Nagpapatuloy ngayon ang ginagawang hakbang ng lokal na pamahalaan ng Ligawasan, sa pamumuno ni Mayor Datu Ismael “Boy Hisham” Sultan Mama, upang tuluyan nang maresolba ang sigalot sa pagitan ng dalawang pamilya sa mga Barangay Bulol at Kabasalan, matapos ang naganap na armadong engkuwentro noong nakaraang linggo.
Ayon kay Mayor Mama, ang nasabing insidente ay nag-ugat sa matagal nang alitan kaugnay sa boundary ng mga lupain na minana umano ng mga magkabilang panig mula pa sa kanilang mga magulang at nakatatandang kamag-anak.
“Ito ay bunga ng mga dating pagtatalo tungkol sa hangganan ng mga lupain. Lumala lamang nang magkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang mga bagong henerasyon ng mga pamilya,” paliwanag ng alkalde.
Matapos ang engkuwentro, agad na rumeresponde ang PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) upang maawat ang bakbakan at mailikas ang mga apektadong residente. Sa kabutihang palad, mabilis na napigil ang kaguluhan.
“Tinawagan namin agad ang mga otoridad para masawata ang gulo. Pagkatapos noon, nagbigay kami ng tulong gaya ng pagkain, at iba pang pangangailangan ng mga lumikas na residente,” ani Mayor Mama.
Bagaman may isang naiulat na casualty, tiniyak ng alkalde na kasalukuyan itong iniimbestigahan ng mga kinauukulang ahensya. Aniya, pangunahing layunin ngayon ng lokal na pamahalaan ay mapanatili ang kapayapaan at maiwasan ang muling pagputok ng karahasan.
Ipinahayag ni Mayor Mama na nakipag-ugnayan na siya kay Bangsamoro Chief Minister Ahod “Al-Haj Murad” Ebrahim at Chief Minister Office Executive Secretary Macacua upang humingi ng tulong sa Ministry of Environment, Natural Resources and Energy (MENRE-BARMM) para sa pagsasagawa ng survey at pagmamarka ng mga lupain.
“Ang pinaka-solusyon dito ay ang pagsorbe ng mga lupain. Kailangan ng intervention ng MENRE-BARMM para matukoy ang eksaktong boundary. Kapag malinaw na ang hangganan, mawawala na ang batayan ng kanilang alitan,” paliwanag ng alkalde.
Dagdag pa ng Mayor, nakatakda rin silang magpatupad ng community-based peace programs upang maiwasang maulit ang ganitong insidente at mapanatili ang kaayusan sa mga komunidad.
Kasabay nito, nananawagan ang alkalde sa lahat ng residente ng Ligawasan na makiisa sa pamahalaan sa pagtataguyod ng kapayapaan at pagkakaisa.
“Hiling ko sa lahat ng aking mga kababayan sa Ligawasan , magtulungan tayo. Panatilihin natin ang kapayapaan at ang pagkakaisa sa ating bayan,” mensahe ni Mayor Mama sa mamamayan.
Patuloy namang mino-monitor ng lokal na pamahalaan, katuwang ang mga barangay officials at barangay peacekeeping forces (BIPAT), ang kalagayan sa mga lugar upang masiguro na hindi na muling mauulit ang naturang sigalot.
InshaAllah, ayon kay Mayor Mama, malapit nang maabot ang tuluyang resolusyon sa pagitan ng mga nagkasalungat na pamilya sa pamamagitan ng tamang pagmamapa ng lupain at pagpapatatag ng kooperasyon ng mga residente.







Views Today : 106
Views Yesterday : 129
Views Last 7 days : 684
Views Last 30 days : 3633
Views This Month : 2351
Views This Year : 18213
Total views : 30348
Leave a Reply