Nagbabala si Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri na nanganganib na maisantabi ang mismong diwa ng Bangsamoro peace process habang unti-unting nalulunod ito sa matinding politisasyon ng nalalapit na Bangsamoro parliamentary elections.
Sa pagdinig ng Senado hinggil sa Senate Bill No. 1587 na naglalayong i-reset ang unang regular na halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), hayagang ipinahayag ni Zubiri ang kanyang matinding pangamba na ang Bangsamoro Organic Law—na kanyang tinawag na “political arm of the peace process”—ay tila nawawala na sa sentro ng usapin.
Ayon sa senador, ang kasalukuyang direksiyon ng mga pangyayari ay nagpapakita ng pagbabalik ng lumang pulitika, kung saan ang pokus ay hindi na kapayapaan at inklusibong representasyon, kundi ang agawan sa puwesto sa Parlamento. Binigyang-diin niya na ang peace process ay isinulong matapos ang trahedya sa Marawi upang tiyakin na hindi na ito mauulit, at upang masiguro na ang mga pangunahing peace partners—ang MILF at MNLF—ay kapwa nakapaloob at kontento sa bagong political order.
Subalit sa kasalukuyang takbo, ani Zubiri, tila muling nalalagay sa laylayan ang mga sektor at grupong pinangakuan ng tunay na partisipasyon. Aniya, nagiging dominado muli ng parehong mga mukha at grupong politikal ang proseso, habang ang mamamayan—na siyang tunay na sentro ng autonomy—ay muling nadidisenfranchise.
Iginiit ng Senate President na ang autonomy ay hindi dapat mauwi lamang sa pondo at estrukturang politikal, kundi dapat manatiling instrumento ng kapayapaan, hustisya, at tunay na representasyon. Sa kanyang panawagan, hinikayat niya ang lahat ng stakeholder na muling ibalik sa sentro ng diskurso ang peace process at tiyaking hindi ito matatalo ng realpolitik at pansariling ambisyon.








Views Today : 132
Views Yesterday : 129
Views Last 7 days : 710
Views Last 30 days : 3659
Views This Month : 2377
Views This Year : 18239
Total views : 30374
Leave a Reply