𝐁𝐀𝐆𝐒𝐀𝐊 𝐀𝐍𝐆 𝐓𝐈𝐖𝐀𝐋𝐀 𝐒𝐀 𝐇𝐀𝐋𝐀𝐋𝐀𝐍 𝐍𝐆 𝐁𝐀𝐍𝐆𝐒𝐀𝐌𝐎𝐑𝐎, 𝐁𝐀𝐁𝐀𝐋𝐀 𝐍𝐆 𝐄𝐋𝐄𝐂𝐓𝐈𝐎𝐍 𝐌𝐎𝐍𝐈𝐓𝐎𝐑𝐒

Tahasang sinabi ni Atty. Benedicto Bacani, convenor ng Independent Election Monitoring Center (IEMC), na malubha na ang krisis ng tiwala ng mamamayan sa eleksyon sa Bangsamoro—isang sitwasyong aniya’y mas mapanganib kaysa sa simpleng usapin ng petsa ng halalan.

Sa pagdinig ng Senado hinggil sa muling pag-reset ng unang Bangsamoro parliamentary elections, iginiit ni Bacani na base sa aktuwal na monitoring ng mga independent observers, nalilito, nawawalan ng tiwala, at nagiging mapagduda ang publiko dahil sa sunod-sunod na pagbabago ng mga patakaran sa eleksyon.

Ayon sa kanya, ang patuloy na pag-amyenda ng election rules habang isinasagawa na ang preparasyon ay nagdudulot ng hinala sa taumbayan na sinasadya ang kaguluhan upang hindi matuloy ang halalan. Aniya, kapag ang tiwala sa eleksyon ay gumuho, kasunod nitong bumabagsak ang tiwala sa buong institusyon ng pamahalaan.

Binigyang-diin din ni Bacani na ang kawalan ng malinaw na koordinasyon sa pagitan ng BTA at COMELEC ay nagpapalalim sa krisis. Sa mata ng publiko, aniya, walang malinaw na direksiyon kung sino ang may hawak ng proseso, at kung aling mga patakaran ang umiiral.

Babala pa niya, ang binagong paraan ng pagboto para sa mga sektor—lalo na ang kababaihan at settler communities—ay maaaring mauwi sa pagkawala ng tunay na representasyon, dahil sa at-large voting na madaling maimpluwensiyahan ng makinaryang politikal.

Sa huli, iginiit ni Bacani na ang Bangsamoro ay nasa mapanganib na yugto, kung saan ang patuloy na kalituhan sa eleksyon ay maaaring magbukas ng mas malalim na krisis sa pamamahala. Aniya, ang eleksyon ay hindi lamang tungkol sa pagboto—ito ay pundasyon ng lehitimasyon ng pamahalaan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Our Visitor

020809
Views Today : 126
Views Yesterday : 129
Views Last 7 days : 704
Views Last 30 days : 3653
Views This Month : 2371
Views This Year : 18233
Total views : 30368