𝐁𝐓𝐀 𝐒𝐀 𝐊𝐑𝐈𝐒𝐈𝐒? 𝐀𝐓𝐓𝐘. 𝐆𝐔𝐈𝐀𝐍𝐈 : 𝐖𝐀𝐋𝐀𝐍𝐆 𝐌𝐈𝐋𝐅 𝐋𝐄𝐀𝐃𝐄𝐑𝐒𝐇𝐈𝐏 𝐊𝐔𝐍𝐆 𝐖𝐀𝐋𝐀𝐍𝐆 𝐂𝐄𝐍𝐓𝐑𝐀𝐋 𝐂𝐎𝐌𝐌𝐈𝐓𝐓𝐄𝐄 𝐄𝐍𝐃𝐎𝐑𝐒𝐄𝐌𝐄𝐍𝐓

Naglatag ng matalas at tuwirang legal na pagsusuri ang dating Solicitor General ng ARMM na si Atty. Frances Cynthia J. Guiani kaugnay ng umiinit na usapin sa kahulugan ng terminong “MILF-led” sa Bangsamoro Transition Authority (BTA), sa gitna ng mga petisyong nakabinbin sa Supreme Court of the Philippines na kumukuwestiyon sa ilang appointment sa Bangsamoro Parliament.

Bilang dating legal officer na nagsilbi sa dalawang Regional Governors ng ARMM, iginiit ni Guiani na ang BTA ay hindi maituturing na karaniwang ahensiya ng gobyerno, kundi isang peace-building mechanism na bunga ng isang kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng Pamahalaan ng Pilipinas at ng Moro Islamic Liberation Front.

Ayon kay Guiani, malinaw sa Bangsamoro Organic Law (RA 11054) at sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) na ang BTA ay “MILF-led,” at ang kahulugang ito ay hindi simpleng titulo o label. Aniya, ang “MILF” sa kasunduan ay isang singular political entity na kinakatawan ng Central Committee nito—hindi isang maluwag na koleksiyon ng mga indibidwal na maaaring italaga ayon sa diskresyon ng sinumang appointing authority.

Binigyang-diin niya na upang tunay na masabing “namumuno” ang MILF sa isang 80-member na transitional parliament, kinakailangan ang structural majority o hindi bababa sa 41 puwesto na may malinaw na basbas ng MILF Central Committee. Kung ang mga puwestong ito ay mapupunan ng mga indibidwal na hindi opisyal na inendorsong ng organisasyon, aniya, ang tunay na namumuno ay hindi na ang MILF kundi ang appointing power mismo.

Tinukoy rin ni Guiani ang doktrinang “Unique Political Entity” na kinilala ng Korte Suprema sa isang desisyong may kinalaman sa Sulu noong 2024, kung saan iginiit na ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ay hindi ordinaryong local government unit. Dahil dito, aniya, ang pakikialam sa internal representation ng MILF ay maaaring ituring na paglabag sa prinsipyo ng regional autonomy at self-determination na ginagarantiyahan ng 1987 Constitution.

Dagdag pa niya, maging sa Bangsamoro Civil Service Code ay kinikilala ang pangangailangang may sertipikasyon mula sa Central Committee ng MILF para sa mga Mujahideen at Mujahidat na papasok sa serbisyo publiko—isang indikasyon, aniya, na ang lehitimong representasyon ay dapat magmula mismo sa pamunuan ng organisasyon.

Sa kabila ng kontrobersiya, iginiit ni Guiani na ang huling pasya ay nasa kamay pa rin ng Korte Suprema. Anuman ang maging hatol—pabor man sa mga petisyuner o sa pamahalaan—aniya, ang magiging desisyon ay may malalim na implikasyon hindi lamang sa listahan ng mga pangalan, kundi sa integridad ng pangako ng kapayapaan at sa hinaharap ng Bangsamoro autonomy.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Our Visitor

020801
Views Today : 115
Views Yesterday : 129
Views Last 7 days : 693
Views Last 30 days : 3642
Views This Month : 2360
Views This Year : 18222
Total views : 30357