Sa gitna ng mga petisyong inihain at patuloy na kuwestiyon mula sa ilang grupo kaugnay ng appointment ni Abdulraof A. Macacua bilang Interim Chief Minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), hayagang nagpahayag ng matibay at kolektibong suporta ang mga Base Commanders ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Sa isang pinagsamang pahayag, iginiit ng mga kumander na ang pamumuno ni Macacua ay lehitimo, naaayon sa Konstitusyon, at tumutupad sa diwa at titik ng peace agreements—mula sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB), Annex on Transitional Arrangements, hanggang sa Bangsamoro Organic Law (BOL). Ayon sa kanila, malinaw na ang kapangyarihang magtalaga ay nasa Pangulo, at malinaw ring MILF-led ang BTA, isang prinsipyong anila’y buhay at ganap na naisakatuparan sa pagkakapili kay Macacua.
Binigyang-diin ng mga Base Commanders na hindi “outsider” si Macacua, kundi isang MILF leader “sa buto at dugo,” na anila’y nagligtas sa BARMM at sa peace process sa panahong nalalagay sa bingit ang tiwala ng mamamayan at ang ugnayan sa pambansang pamahalaan. Ipinunto nila na kung hindi naganap ang appointment, nanganganib umanong mabura ang mga pinaghirapang tagumpay at tuluyang madiskaril ang transisyon.
Mariin ding tinutulan ng mga kumander ang sinasabing “di-umano’y di-nasunod na tradisyon” sa nominations, giit na walang ganitong obligasyong itinakda sa BOL o CAB. Anila, ang batas at ang konstitusyonal na kapangyarihan ng Pangulo ang dapat manaig, lalo na sa harap ng krisis na nangangailangan ng agarang political wisdom.
Sa huli, nanawagan ang BIAF sa mga humahamon sa appointment na huwag isakripisyo ang kapayapaan sa legal na kawalang-katiyakan, at iginiit na ang kanilang paninindigan ngayon ay “huling tindig para sa kapayapaan—hindi sa armas, kundi sa matatag na pagpapasya.







Views Today : 126
Views Yesterday : 129
Views Last 7 days : 704
Views Last 30 days : 3653
Views This Month : 2371
Views This Year : 18233
Total views : 30368
Leave a Reply