Naglabas ng matapang na pahayag si Abdulraof Macacua, Chief Minister ng Bangsamoro Government, kasunod ng petisyong inihain sa Korte Suprema na kumukwestyon sa kanyang appointment at sa pamunuan ng Bangsamoro.
Sa kanyang opisyal na statement na inilabas sa Cotabato City noong 15 Pebrero 2026 (27 Sha’ban 1447 AH), inilahad ni Macacua na mahigit apatnapung taon na niyang inialay ang kanyang buhay sa pakikibaka at sa pagtataguyod ng kapayapaan at kaunlaran sa Bangsamoro. Aniya, matagal na siyang nakararanas ng paninirang-puri, kabilang ang pagtawag sa kanya bilang “munafiq” at “khawarij,” ngunit pinili niyang pairalin ang sab’r o pagtitiis at patuloy na magtaguyod ng pagkakaisa.
Gayunman, iginiit ng Chief Minister na hindi na niya maaaring balewalain ang umano’y “malicious actions” na nakaaapekto hindi lamang sa kanyang pagkatao kundi sa serbisyo para sa mamamayan. Binanggit niya ang umano’y sinasadyang pagkaantala at paghadlang sa paghahatid ng serbisyo bilang isang uri ng “calculated sabotage” laban sa interes ng publiko.
Binigyang-diin ni Macacua na ang petisyon sa Supreme Court ay hindi lamang personal na pag-atake kundi hamon sa dignidad at kredibilidad ng mga institusyon ng Bangsamoro Government. Dahil dito, inanunsyo niya ang pagsisimula ng pormal na imbestigasyon upang tukuyin kung sino ang naghain, nagpondo, at nag-orkestra ng naturang hakbang.
“Those found responsible will be held to account under the full extent of the law,” ani Macacua, sabay pahayag na magsasampa ng kaukulang administratibo, sibil, at kriminal na kaso laban sa mapatutunayang sangkot.
Nanawagan din siya sa mga miyembro ng Cabinet, Ministries, Offices, at iba pang ahensya ng Bangsamoro Government na magkaisa at agarang tugunan ang mga delay at performance gaps. Ayon sa kanya, panahon na upang pairalin ang urgency, transparency, at disiplina sa paghahatid ng serbisyo.
Nagbabala rin ang Chief Minister na ang mga hindi makasasabay sa itinakdang pamantayan ng pamamahala ay maaaring matanggal sa puwesto dahil sa paglabag sa kanilang sinumpaang tungkulin sa mamamayan.
Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, iginiit ni Macacua na ang pamahalaan ay mananatiling nakatuon sa kapayapaan, dignidad, at kinabukasan ng Bangsamoro, at patuloy na pagsisikapan na patunayan ang tiwala ng mamamayan.








Views Today : 104
Views Yesterday : 129
Views Last 7 days : 682
Views Last 30 days : 3631
Views This Month : 2349
Views This Year : 18211
Total views : 30346
Leave a Reply