𝐃𝐀𝐕𝐀𝐎 𝐉𝐎𝐔𝐑𝐍𝐀𝐋𝐈𝐒𝐓 𝐍𝐀𝐆𝐇𝐀𝐈𝐍 𝐍𝐆 𝐀𝐅𝐅𝐈𝐃𝐀𝐕𝐈𝐓: 𝐈𝐂𝐂 𝐕𝐈𝐃𝐄𝐎 𝐕𝐒 𝐃𝐔𝐓𝐄𝐑𝐓𝐄 ‘𝐓𝐀𝐌𝐏𝐄𝐑𝐄𝐃’ 𝐀𝐓 𝐖𝐀𝐋𝐀𝐍𝐆 𝐏𝐀𝐇𝐈𝐍𝐓𝐔𝐋𝐎𝐓

Isang dating mamamahayag mula sa Davao City ang naghain ng Affidavit of Denial kaugnay sa video na ipinrisinta ng prosekusyon sa International Criminal Court (ICC) sa isinagawang Confirmation of Charges hearing laban kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Kinilala ng affiant na si Ben Jason Tesiorna, dating journalist-writer ng SunStar Davao, na siya umano ang orihinal na nagrekord ng naturang CCTV footage noong Disyembre 19, 2013, sa media showcase ng bagong CCTV system ng Central 911 sa Davao City. Ayon sa kanya, ang video ay pagmamay-ari niya at hindi niya ito pinahintulutang gamitin o i-broadcast ng ICC Prosecution.

Iginiit ni Tesiorna na ang video na ipinakita sa ICC ay may English subtitles na wala sa orihinal niyang recording at umano’y isang “unauthorized tampering” o manipulasyon. Binigyang-diin din niya na ang ipinakitang footage ay hindi raw “real-time killing” kundi playback lamang ng isang naunang insidente na ipinakita bilang patunay ng kakayahan ng bagong CCTV system.

Ayon sa affidavit, wala umanong sabayang krimen na nagaganap habang ipinapakita ang footage, kaya’t walang agarang reaksyon mula sa mga naroon, kabilang si Duterte. Aniya, mali ang naging presentasyon ng prosekusyon na tila pinalalabas na walang ginawa ang dating Pangulo habang nagaganap ang krimen.

Humiling si Tesiorna sa ICC Pre-Trial Chamber I na atasan ang prosekusyon na alisin ang video sa court registry at maglabas ng public apology dahil sa umano’y maling representasyon. Nagbabala rin siya na magsasampa siya ng kaukulang kaso, kabilang ang copyright infringement at cyberlibel, kung hindi umano ito maaaksyunan.

Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ng affiant na layunin ng kanyang affidavit na linawin ang isyu at protektahan ang kanyang reputasyon at seguridad ng kanyang pamilya, matapos umanong lumabas na tila nakipagtulungan siya sa ICC prosecution — bagay na kanyang mariing itinanggi.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Our Visitor

020776
Views Today : 71
Views Yesterday : 129
Views Last 7 days : 649
Views Last 30 days : 3598
Views This Month : 2316
Views This Year : 18178
Total views : 30313