Isang mahalagang panukalang batas ang inihain sa Kongreso na naglalayong palawakin sa buong bansa ang konsepto ng Ibadah-Friendly Healthcare, isang modelong unang isinulong sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao upang matiyak na ang serbisyong pangkalusugan ay tumutugon hindi lamang sa pisikal kundi pati sa espiritwal na pangangailangan ng mga Muslim na pasyente.
Pinangunahan nina Paolo Duterte at Omar Duterte ang paghahain ng “National Ibadah-Friendly Healthcare Act,” isang panukala na naglalayong ipatupad ang parehong modelo sa lahat ng Department of Health-retained hospitals at mga Rural Health Units (RHUs) sa buong Pilipinas.
Ayon sa mga mambabatas, mahalaga na ang sistemang pangkalusugan ay maging sensitibo sa paniniwala at relihiyosong pangangailangan ng milyun-milyong Muslim sa bansa. Binigyang-diin nila na ang konsepto ng “Ibadah,” na nangangahulugang pagsamba at pagsunod sa Allah (SWT), ay bahagi ng kabuuang proseso ng paggaling—kung saan mahalaga ang parehong pisikal at espiritwal na kalagayan ng pasyente.
Sa ilalim ng panukalang batas, inaasahang magkakaroon ng mga pasilidad at patakaran sa mga pampublikong ospital upang matiyak na ang mga Muslim na pasyente ay makapagsasagawa pa rin ng kanilang relihiyosong obligasyon habang nagpapagamot.
Kabilang sa mga pangunahing probisyon ng panukala ang pagtatatag ng Musallah o prayer rooms, Wudu facilities para sa ablution, Halal-certified kitchens sa mga pampublikong ospital, at mga protocol upang mapanatili ang modesty at dignidad ng mga babaeng pasyente sa panahon ng panganganak o medical examination. Iminumungkahi rin ang paglalagay ng Qibla direction indicators sa mga silid ng pasyente.
Isinusulong din ng panukala ang pakikipagtulungan ng BARMM Ministry of Health, National Commission on Muslim Filipinos, at ng Department of Health upang maipatupad at ma-certify ang mga Ibadah-Friendly Healthcare facilities sa buong bansa.
Ayon sa mga may-akda ng panukala, layunin ng batas na matiyak na ang bawat Muslim na Pilipino, saan mang bahagi ng bansa, ay makatatanggap ng serbisyong pangkalusugan na may paggalang sa kanilang pananampalataya, dignidad, at kultura, lalo na sa mga sandali ng karamdaman.








Views Today : 12
Views Yesterday : 129
Views Last 7 days : 673
Views Last 30 days : 3631
Views This Month : 2257
Views This Year : 18119
Total views : 30254
Leave a Reply