Patuloy na ginagamot sa ospital ang isang konsehal ng Nabalawag, Special Geographic Area, BARMM matapos itong pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek noong Lunes, Marso 16, bandang 12:33 ng tanghali, sa kahabaan ng National Highway sa Barangay Poblacion 8.Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Al‑Hamidie Sampulna Mohamad, 42 taong gulang, kasalukuyang first councilor ng Nabalawag at residente ng Barangay Olandang sa nasabing bayan.
Batay sa paunang imbestigasyon, kabababa lamang ng konsehal mula sa kanyang bronze na Toyota Fortuner nang lapitan ng dalawang suspek na sakay ng asul na Yamaha Sniper na motorsiklo. Isa sa mga ito, na nakasuot ng itim na damit, ang bumaba at agad na nagpaputok ng ilang beses laban sa biktima bago tumakas kasama ang kanyang kasamahan patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.
Agad namang naisugod sa ospital ang konsehal matapos matamaan ng bala sa magkabilang binti at kasalukuyang sumasailalim sa gamutan.
Sa pinangyarihan ng insidente, nakarekober ang mga imbestigador ng siyam na basyo ng bala at tatlong deformed slugs mula sa isang .45 caliber na baril.
Patuloy pang inaalam ng pulisya ang motibo ng pamamaril at ang pagkakakilanlan ng mga suspek. Nagpalabas na rin ng flash alarm sa mga kalapit na himpilan ng pulisya at nagpatupad ng hot pursuit operations habang pinahigpit ang mga checkpoint sa lugar upang agad na matunton ang mga responsable sa insidente.
Nanawagan din ang mga awtoridad sa publiko na magbigay ng anumang impormasyon na makatutulong sa agarang pagdakip sa mga suspek.







Views Today : 125
Views Yesterday : 87
Views Last 7 days : 657
Views Last 30 days : 3615
Views This Month : 2241
Views This Year : 18103
Total views : 30238
Leave a Reply