“𝐉𝐨𝐢𝐧𝐭𝐧𝐞𝐬𝐬 𝐚𝐭 𝐌𝐮𝐭𝐮𝐚𝐥𝐢𝐭𝐲 𝐚𝐧𝐠 𝐤𝐚𝐢𝐥𝐚𝐧𝐠𝐚𝐧 𝐬𝐚 𝐢𝐦𝐩𝐥𝐞𝐦𝐞𝐧𝐭𝐚𝐬𝐲𝐨𝐧 𝐧𝐠 𝐩𝐞𝐚𝐜𝐞 𝐚𝐠𝐫𝐞𝐞𝐦𝐞𝐧𝐭”— 𝐌𝐈𝐋𝐅

Naglabas ng opisyal na pahayag ang Moro Islamic Liberation Front kaugnay ng pansamantalang pagpapahinto ng ilang engagement sa implementasyon ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro, na ayon sa kanila ay dulot ng mga isyung procedural at kakulangan sa koordinasyon sa pagitan ng dalawang panig.

Sa isang panayam, ipinaliwanag ni MILF Vice Chair Mohagher Iqbal na ang naturang pahayag ay pirmado ng kanilang chairman bago ito umalis para sa Umrah noong Marso 12. Binigyang-diin nito na nasa “implementation phase” na ang peace agreement, kung saan mahalaga ang pagiging flexible at creative, ngunit kinakailangang manatiling nakaangkla sa prinsipyo ng “walang unilateral implementation.”

Ayon pa sa MILF, dapat umiral ang “jointness, bilateralism, at mutuality” sa pagpapatupad ng kasunduan, ibig sabihin, parehong panig, ang MILF at pamahalaan, ay kailangang magkasamang magdesisyon at magpatupad ng mga probisyon.
Isa sa mga pangunahing isyu na tinukoy ay ang hindi pagkakapantay-pantay ng progreso sa tinatawag na normalization process. Ayon sa kanila, ang pitong pangunahing deliverables nito ay dapat isinasagawa nang sabay-sabay at magkakatugma, subalit may ilang aspeto, lalo na ang decommissioning na umano’y mas nauuna kumpara sa iba.

Dagdag pa rito, itinuro rin ng MILF ang kakulangan ng isang ganap o “full-fledged” na pinuno ng peace panel sa panig ng pamahalaan. Ayon sa opisyal, mahalaga ang pagkakaroon ng awtorisadong kinatawan na may sapat na kredensyal upang makapag-commit sa mga kasunduan.

“Kung walang pirma ng dalawang panig, walang kasunduan,” ani ng opisyal, na binanggit din ang prinsipyong “Nothing is agreed until it is agreed, and signed.”

Sa kasalukuyan, ang komunikasyon hinggil sa isyu ay idinadaan sa Malaysian facilitator alinsunod sa umiiral na protocol, kung saan kinokopya rin ang pamahalaan ng Pilipinas.

Kaugnay nito, iginiit ng MILF na patuloy pa ring gagampanan ng mga mekanismo tulad ng Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH) at Ad Hoc Joint Action Group (AHJAG) ang kanilang tungkulin. Samantala, magpapatuloy rin ang pakikipag-ugnayan sa international community, kahit hindi na kinakailangang kasama ang pamahalaan sa ilang engagement.

Babala ng MILF, maaaring makaapekto ang sitwasyon sa pananaw ng international community sa peace process, na dati nang kinilala bilang isang “global model” ng matagumpay na kasunduan.

Sa kabila nito, tiniyak ng grupo na wala namang dapat ikabahala ang publiko, at ang kanilang pahayag ay nananatiling nakapokus sa tatlong pangunahing usapin: ang pagtalaga ng panel chair ng gobyerno, pagpapatuloy ng ceasefire mechanisms, at tuloy-tuloy na suporta ng international partners.

Ayon pa sa MILF, handa silang ipagpatuloy ang mga pag-uusap sa sandaling matugunan ng pamahalaan ang nasabing isyu.
“Ang kapayapaan na naabot natin ay mahalaga. Kailangan natin itong pangalagaan,” giit ng opisyal.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Our Visitor

020719
Views Today : 117
Views Yesterday : 87
Views Last 7 days : 649
Views Last 30 days : 3607
Views This Month : 2233
Views This Year : 18095
Total views : 30230