Target ng isang panukala sa Bangsamoro Parliament na wakasan ang kakulangan sa impormasyon sa mga job vacancies sa pamahalaan sa pamamagitan ng paglikha ng isang centralized hiring system sa Bangsamoro.
Sa ilalim ng Parliament Bill No. 437 o “Bangsamoro Job Portal Act of 2026,” isinusulong ang pagtatatag ng iisang online platform kung saan obligadong ilalagay ng lahat ng tanggapan ng regional government ang kanilang bakanteng posisyon mula sa ministries at ahensya hanggang sa state universities, GOCCs, at local government units.
Bukod sa layuning gawing mas transparent ang hiring process, binibigyang-diin ng panukala ang pagbibigay ng pantay na access sa impormasyon para sa lahat ng aplikante. Sa pamamagitan ng portal, makikita hindi lamang ang detalye ng trabaho gaya ng kwalipikasyon, sahod, at tungkulin, kundi pati ang bilang ng mga aplikanteng nakikipagkumpitensya sa bawat posisyon.
Pamamahalaan ng Office of the Chief Minister ang nasabing sistema, kabilang ang pagbuo ng mga patakaran para sa implementasyon nito. Nakalaan ang paunang P3 milyong pondo para sa pagbuo ng platform.
Upang masiguro na naaabot din ang mga walang internet access, inaatasan ang mga tanggapan na mag-post ng job vacancies sa hindi bababa sa tatlong pampublikong lugar sa loob ng itinakdang panahon. 10 araw para sa regional offices at 15 araw para sa local government units.
May mga exemption din sa panukala, kabilang ang mga sensitibong posisyon tulad ng confidential at policy-determining roles, gayundin ang ilang highly technical na trabaho at internal staffing adjustments.
Mahigpit ang probisyon ng panukala pagdating sa pagsunod: maaaring kanselahin ang anumang appointment na hindi dumaan sa tamang proseso ng pag-aanunsyo, at maaaring patawan ng administrative sanctions ang mga lalabag na opisyal.
Ang nasabing panukala ay inihain nina MP Sha Elijah B. Dumama-Alba at iba pang miyembro ng parlamento bilang bahagi ng pagsisikap na gawing mas bukas, sistematiko, at patas ang pagpasok sa serbisyo publiko sa Bangsamoro.









Views Today : 43
Views Yesterday : 295
Views Last 7 days : 993
Views Last 30 days : 3713
Views This Month : 796
Views This Year : 23375
Total views : 35510
Leave a Reply