Mariing iginiit ni Atty. Badrudin Mangindra na dapat tutukan ng bagong kalihim ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity na si Mel Senen Sarmiento ang pagsunod sa umiiral na batas at kasunduan kaugnay ng pamumuno sa Bangsamoro Transition Authority (BTA), partikular ang papel ng Moro Islamic Liberation Front.
Sa isinagawang press conference, ipinaliwanag ni Mangindra na ang Bangsamoro Organic Law at ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro ay malinaw na nagsasaad na ang BTA ay dapat pamunuan ng MILF sa panahon ng transisyon.
Ayon sa kanya, ito ay pagkilala sa mahabang pakikibaka ng MILF upang baguhin ang umiiral na sistema ng pamahalaan sa Bangsamoro. “Sila ang pangunahing mekanismo ng pamumuno sa rehiyon habang nasa transition period,” aniya.
Binigyang-diin din niya na ang mga mahahalagang batas tulad ng Electoral Code, Administrative Code, Local Government Code, at Revenue Code ng Bangsamoro ay kinakailangang maisabatas sa pamamagitan ng BTA, na pinamumunuan ng MILF, upang matiyak ang maayos na paglipat tungo sa ganap na awtonomiyang pamahalaan.
Dagdag pa ni Mangindra, ang pamumuno sa BTA ay hindi lamang nakasalalay sa iisang personalidad kundi sa kabuuan ng Central Committee ng MILF. Aniya, ang sinumang lider, kabilang sina Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim, ay kumikilos lamang batay sa kolektibong desisyon ng kanilang organisasyon.
Iginiit rin niya na ang Pangulo ay hindi maaaring basta magtalaga ng sinumang lider na wala ang pagsang-ayon ng MILF, alinsunod sa diwa ng mga kasunduan.
Sa usapin ng kasalukuyang sitwasyon sa BTA, binanggit ni Mangindra ang kahalagahan ng “numerical majority” sa loob ng konseho, sapagkat ito ang magtatakda kung sino ang tunay na mamumuno sa isang collegial body. “Kung kulang sa bilang, maaari silang ma-outvote,” paliwanag niya.
Binigyang-linaw din niya na nananatili pa rin ang Bangsamoro sa transition period, batay sa mga umiiral na batas na nagpapalawig sa mandato ng BTA. Dahil dito, nananatiling mahalaga ang pagsunod sa orihinal na balangkas ng pamumuno na itinakda ng batas at ng peace agreement.
Sa huli, nanawagan si Mangindra sa bagong OPAPRU secretary na pagtuunan ng pansin ang “spirit of the law” at tiyaking naipatutupad ito nang naaayon sa layunin ng kapayapaan sa rehiyon. Aniya, ang kanilang panawagan ay hindi para sa alitan kundi para sa pagbabalik sa kung ano ang malinaw na itinatadhana ng batas.
“Hindi kami nag-iimbita ng kaguluhan. Ang panawagan namin ay sundin ang batas,” pagtatapos niya.









Views Today : 53
Views Yesterday : 295
Views Last 7 days : 1003
Views Last 30 days : 3723
Views This Month : 806
Views This Year : 23385
Total views : 35520
Leave a Reply