Nagbigay ng pahayag si Mussolini Sinsuat Lidasan, Director ng Al Qalam Institute ng Ateneo de Davao University at dating Commissioner ng Bangsamoro Transition Commission, kaugnay sa naging emergency rally na isinagawa kamakailan sa Bangsamoro Government Center.
Ayon kay Lidasan, ang naturang rally ay iniugnay sa usapin ng pagpapatalsik kay MBHTE Minister Mohagher Iqbal, isang pangunahing lider ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at mahalagang personalidad sa Bangsamoro peace process. Kasama sa mga lumahok sa rally ang mga grupo mula sa MILF at United Bangsamoro Justice Party (UBJP).
Bagama’t sinabi niyang hindi lubos na ikinagulat ng ilan ang naturang hakbang, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng timing ng mga pangyayari. Matatandaang noong 2025 ay tinanggal din bilang Chief Minister si Al Haj Murad Ebrahim, na Chairman ng MILF at Pangulo ng UBJP. Ngayon naman, si Mohagher Iqbal — First Vice Chairman ng MILF at Chairperson ng MILF Peace Implementing Panel — ang nasa gitna ng kontrobersiya.
Ipinaliwanag ni Lidasan na si Iqbal ay isa sa mga pangunahing personalidad sa negosasyon sa pagitan ng gobyerno at MILF na nagbunga ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) noong 2014 sa ilalim ng administrasyong Aquino. Siya rin umano ang isa sa mga pangunahing kinatawan ng MILF sa mga pag-uusap na kalaunan ay humantong sa pagkakapasa ng Bangsamoro Organic Law (BOL) noong 2018 sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon pa sa kanya, nananatiling mahalaga ang papel nina Murad at Iqbal sa kasalukuyang transition period ng BARMM dahil malinaw sa Bangsamoro Organic Law na ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) ay dapat pamunuan ng MILF habang hindi pa naisinasagawa ang regular parliamentary elections sa rehiyon.
Dahil dito, patuloy ngayong pinag-uusapan sa iba’t ibang sektor ang posibleng epekto ng mga pagbabago sa liderato sa usapin ng kapayapaan, pagkakaisa ng MILF, at pagpapatuloy ng implementasyon ng mga kasunduang pangkapayapaan sa Bangsamoro








Views Today : 284
Views Yesterday : 107
Views Last 7 days : 1019
Views Last 30 days : 3755
Views This Month : 742
Views This Year : 23321
Total views : 35456
Leave a Reply