Binigyang-diin ni Virgie Vrajan Abdurrahman, na itinalaga ng MILF Central Committee bilang Officer-in-Charge (OIC) ng 114th Base Command ng MILF-Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) sa Basilan, ang kahalagahan ng katapatan sa organisasyon at sa United Bangsamoro Justice Party (UBJP).
Ayon kay Abdurrahman, ang mga regular at lehitimong miyembro ng Moro Islamic Liberation Front ay itinuturing ding bahagi ng UBJP, ang opisyal na partidong pampulitika ng MILF. Aniya, bagama’t may kalayaan ang bawat miyembro na pumili ng partidong nais nilang suportahan, may umiiral na patakaran ang organisasyon para sa mga pipiling lumipat sa ibang partido.
Ipinaliwanag niya na ang mga miyembrong tatalikod sa direksiyon ng organisasyon ay maaaring patawan ng indefinite leave, at kung magpapatuloy ang pagsuway sa mga patakaran ng MILF, maaaring magtalaga ang pamunuan ng pansamantalang kapalit o officer-in-charge sa kanilang posisyon.
Sa kanyang pahayag, sinabi rin ni Abdurrahman na personal niyang piniling manatiling kaanib ng UBJP mula nang itatag ang partido at umaasang mananatili siyang bahagi nito habang siya ay nabubuhay.
Nagpahayag din siya ng kumpiyansa na ang mga kasapi ng 114th Base Command na piniling manatili sa kanilang hanay ay patuloy na sumusuporta sa liderato ng MILF Central Committee at sa pamumuno ni Ahod ‘Al Haj Murad’ Ebrahim, na siyang chairperson ng United Bangsamoro Justice Party.
Ayon sa kanya, ang pagkakaisa, disiplina, at katapatan sa organisasyon ay mahalagang sangkap upang mapanatili ang katatagan ng kilusan at ang pagsusulong ng mga adhikain ng Bangsamoro.








Views Today : 22
Views Yesterday : 102
Views Last 7 days : 598
Views Last 30 days : 3379
Views This Month : 124
Views This Year : 22703
Total views : 34838
Leave a Reply