PANDAG, MAGUINDANAO DEL SUR – Mas naging makahulugan ang paghahanda sa bagong taon ng pag-aaral para sa mga mag-aaral ng Malangit Elementary School matapos maghatid ng iba’t ibang serbisyong pang-edukasyon ang G.I.V.E. HEART Team sa ilalim ng Project Kapangagi Joins Brigada Eskwela 2026 noong Hunyo 11, 2026.
Tinatayang 200 mag-aaral ang nakinabang sa pamamahagi ng mga school bags, school supplies, rice packs, at snacks, bilang bahagi ng layunin ng programa na mabigyan ng sapat na suporta ang mga kabataan sa pagsisimula ng kanilang pag-aaral.
Bukod sa mga kagamitang pang-eskwela, nagkaloob din ang programa ng mga armchair para sa paaralan upang mapabuti ang kalagayan ng mga silid-aralan at mas maging komportable ang pagkatuto ng mga estudyante.
Kasama rin sa aktibidad ang mga maikling oryentasyon tungkol sa Project Kapangagi, kahandaan sa sakuna (disaster preparedness), at wastong pamamahala ng solidong basura (solid waste management), na naglalayong palawakin ang kaalaman ng mga mag-aaral sa mahahalagang usaping pangkaligtasan at pangkapaligiran.
Ang inisyatibang ito ay bahagi ng G.I.V.E. HEART Program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur at nakahanay sa Sustainable Development Goal 4 (SDG 4), na nagsusulong ng inklusibo, patas, at de-kalidad na edukasyon para sa lahat.
Sa pamamagitan ng Project Kapangagi Joins Brigada Eskwela 2026, patuloy na inilalapit ng pamahalaang panlalawigan ang mga serbisyo sa komunidad at pinatitibay ang suporta sa sektor ng edukasyon upang matiyak ang mas magandang kinabukasan para sa kabataang Maguindanaon.







Views Today : 50
Views Yesterday : 144
Views Last 7 days : 645
Views Last 30 days : 3493
Views This Month : 1398
Views This Year : 23977
Total views : 36112
Leave a Reply