Nagbigay ng paglilinaw si dating MBHTE Minister at Member of Parliament Mohagher Iqbal kaugnay ng mga lumutang na pahayag sa pagdinig ng Bangsamoro Parliament tungkol sa umano’y libu-libong guro at kawani ng edukasyon na walang appointment.
Ayon kay Iqbal, hindi tama ang interpretasyon na walang appointment ang mga guro dahil marami sa kanila ay may hawak na mga appointment na nagmula pa noong panahon ng ARMM.
Ipinaliwanag niya na ang mga naturang appointment ay nananatiling umiiral habang isinasagawa ang proseso ng migration at pag-aayos ng mga posisyon sa ilalim ng BARMM.
“Yung mga teachers na mula pa noon ay mayroon nang appointment sa ARMM. Ang kailangan lamang ay ang paglipat o conversion ng mga dokumento at posisyon mula ARMM patungong BARMM,” paglilinaw ni Iqbal.
Dumating ang pahayag matapos ang masinsinang pagdinig ng mga miyembro ng Bangsamoro Parliament sa MBHTE, kung saan isa sa mga usaping tinalakay ang status ng mga teaching at non-teaching personnel sa rehiyon.
Kasunod ng pagdinig, kumalat sa social media ang iba’t ibang interpretasyon ng naging talakayan, kabilang ang alegasyong may libu-libong guro na umano’y walang appointment. Dahil dito, binigyang-diin ni Iqbal na mahalagang maunawaan ang pagkakaiba ng isyu sa migration ng mga posisyon at ng aktuwal na pagkakaroon ng appointment ng mga empleyado.
Aniya, hindi nangangahulugan na walang appointment ang isang guro kung ang dokumentasyon nito ay nagmula pa sa dating ARMM structure na kasalukuyang isinasailalim sa transition process patungong BARMM.







Views Today : 31
Views Yesterday : 94
Views Last 7 days : 815
Views Last 30 days : 3748
Views This Month : 3349
Views This Year : 29943
Total views : 42078
Leave a Reply