MAGUINDANAO DEL SUR — Naglabas ng opisyal na mensahe ng pakikiramay si Maguindanao del Sur Governor Datu Ali M. Midtimbang, Al Hajj kaugnay ng pagpanaw ni dating Paglat Mayor Engr. Abdulkarim T. Langkuno, na inilarawan niyang isang kaibigan, kapatid, at lingkod-bayan na nag-iwan ng mahalagang ambag sa kanyang bayan.
Sa kanyang pahayag, sinabi ng gobernador na malaking kawalan ang pagpanaw ni Langkuno hindi lamang sa kanyang pamilya kundi maging sa mamamayan ng Paglat at sa mga nakasama nito sa serbisyo publiko.
Binigyang-pugay rin ni Gov. Midtimbang ang dedikasyon ng dating alkalde sa pagpapaunlad ng Paglat, kabilang ang kanyang naging ambag sa pagtatatag ng Paglat Municipal College at ang pagbibigay-priyoridad sa iba’t ibang proyektong pang-imprastraktura para sa bayan.
Ayon pa sa gobernador, maaalala si Langkuno sa kanyang kababaang-loob, katapatan, malasakit sa kapwa, at matatag na paninindigan sa paglilingkod sa publiko.
Sa ngalan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur at ng kanyang pamilya, ipinaabot ni Gov. Midtimbang ang taos-pusong pakikiramay sa pamilya ni Engr. Langkuno at sa buong sambayanan ng Paglat.
Nag-alay rin siya ng panalangin na patawarin ng Allah (SWT) ang mga pagkukulang ng yumao, tanggapin ang kanyang mabubuting gawa, pagkalooban siya ng Jannatul Firdaus, at bigyan ng lakas at kapanatagan ang kanyang mga naiwang mahal sa buhay.








Views Today : 100
Views Yesterday : 145
Views Last 7 days : 862
Views Last 30 days : 3818
Views This Month : 3215
Views This Year : 29809
Total views : 41944
Leave a Reply