Pinalalakas ng Pamahalaang Panlalawigan ang koordinasyon ng mga lokal na pamahalaan at mga katuwang na institusyon upang higit na mapaunlad at maitaguyod ang kultura at turismo sa lalawigan.
Nagsagawa ng Second Quarterly Meeting ang Provincial Tourism Office, katuwang ang Local Culture and Arts Council (LCAC) at Association of Tourism Officers of Maguindanao del Sur (ATOMDS) nitong Hulyo 6, 2026, sa Kalilintad Hall ng Provincial Capitol.
Humigit-kumulang 40 kinatawan mula sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan at mga local government units ang dumalo upang talakayin ang mga konkretong hakbang para sa mas organisado at napapanatiling pagpapaunlad ng sektor ng turismo.
Naging sentro ng talakayan ang pagpapalakas ng community-based tourism, pangangalaga at pagtataguyod ng lokal na kultura, pagkilala sa mga natatanging tourism initiatives, at mga mekanismo upang mas aktibong makalahok ang mga bayan sa mga timpalak at iba pang oportunidad na magtatampok sa kanilang mga produkto at destinasyon.
Tinalakay din ang mahahalagang batas at patakarang magsisilbing gabay sa maayos at epektibong pagpapatupad ng mga programang pangkultura at panturismo sa buong lalawigan.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang munisipalidad na ilahad ang kanilang mga panukalang proyekto at ibahagi ang mga best practices na maaaring makatulong sa pagpapalakas ng turismo sa kani-kanilang komunidad.
Sa pagtatapos ng pagpupulong, muling pinagtibay ng LCAC at ATOMDS ang kanilang pangako na isulong ang inklusibo, responsable, at napapanatiling turismo—isang turismo na hindi lamang nagtatampok sa mga destinasyon kundi nagbibigay rin ng oportunidad sa mga komunidad at nangangalaga sa mayamang kultura ng Maguindanao del Sur.
Ang hakbang ay bahagi ng patuloy na pagsusulong ng tapat na Serbisyong Mapadtimbang para sa mas maunlad at mas makulay na Maguindanao del Sur.








Views Today : 29
Views Yesterday : 145
Views Last 7 days : 791
Views Last 30 days : 3747
Views This Month : 3144
Views This Year : 29738
Total views : 41873
Leave a Reply