COTABATO CITY — Isang lalaki ang nasawi habang isang menor de edad at isang pulis ang sugatan matapos ang pamamaril na naganap sa Jose Lim Street, Barangay Poblacion 5, bandang 10:55 ng umaga nitong Hulyo 12.
Kinilala ang nasawi na si Basir M. Gapor, tinatayang 35 taong gulang at residente ng Purok Lumayon, Mother Barangay Poblacion, Cotabato City. Sugatan naman ang isang menor de edad na kinilalang alias “Yusseff” at si Police Corporal Titing Kauring, miyembro ng Philippine National Police at residente ng Barira, Maguindanao del Norte.
Batay sa paunang imbestigasyon, sakay ng isang pulang traysikel sina Gapor at ang menor de edad nang pagbabarilin sila ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng itim na Honda CRF motorcycle. Isa sa mga suspek ay nakasuot umano ng berdeng damit at itim na tactical pants.
Nadamay sa insidente si PCpl. Kauring na sakay ng kanyang motorsiklo habang ino-overtake ang traysikel at tinamaan ng ligaw na bala. Limang basyo ng bala ng .45 caliber ang narekober sa pinangyarihan ng krimen.
Isinugod ang tatlong biktima sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC), ngunit idineklarang dead on arrival si Gapor. Patuloy namang nagpapagaling sa ospital ang menor de edad na nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang paa at si PCpl. Kauring na tinamaan sa kanang bahagi ng tiyan.
Ayon sa pulisya, si Gapor ang pangunahing target ng pamamaril, habang ang menor de edad at ang pulis ay tinamaan lamang ng mga ligaw na bala. Isa sa mga tinitingnang motibo ng mga imbestigador ay personal na alitan, bagama’t nagpapatuloy pa ang masusing imbestigasyon.
Kaagad namang nagpatupad ng lockdown at hot pursuit operations ang Cotabato City Police Office sa tulong ng iba’t ibang police units upang matunton at maaresto ang mga suspek. Kasalukuyan ding kinukuha ng mga awtoridad ang mga CCTV footage sa paligid ng pinangyarihan ng insidente bilang bahagi ng imbestigasyon.









Views Today : 121
Views Yesterday : 92
Views Last 7 days : 873
Views Last 30 days : 4438
Views This Month : 3091
Views This Year : 29685
Total views : 41820
Leave a Reply