Limampung taon na ang nakalilipas, isang lindol na yumanig sa Mindanao ang nag-iwan ng isa sa pinakamalalang trahedya sa kasaysayan ng Pilipinas, ang tinaguriang Moro Gulf “Midnight Killer” Earthquake.
Noong Agosto 17, 1976, alas-12:11 ng madaling-araw, habang karamihan ng mga tao ay mahimbing na natutulog, isang napakalakas na lindol ang tumama sa bahagi ng Moro Gulf. Ayon sa PHIVOLCS, naitala ito sa Magnitude 7.9, na may epicenter sa humigit-kumulang 06.3°N, 124.0°E.
Matinding pagyanig ang naramdaman sa malawak na bahagi ng Mindanao, kabilang ang Cotabato City, na kabilang sa mga lugar na matinding tinamaan. Nawasak at napinsala ang maraming gusali, tulay at iba pang imprastraktura. Kabilang sa mga napinsala ang ilang gusali sa sentro ng Cotabato City at ang Quirino Bridge, kung saan isang bahagi nito ang bumagsak sa Rio Grande.
Ngunit hindi doon nagtapos ang trahedya.
Ilang minuto matapos ang malakas na pagyanig, umatras ang tubig-dagat sa ilang bahagi ng baybayin bago biglang rumagasa pabalik bilang isang mapaminsalang tsunami. Ayon sa PHIVOLCS, umabot sa mahigit 700 kilometro ng baybayin na nakapalibot sa Moro Gulf ang naapektuhan. Sa ilang lugar, umabot sa mga punongkahoy ang taas ng mga alon, habang inanod ang mga bahay, bangka at iba pang ari-arian.
Sa tala ng PHIVOLCS, 85% ng mga nasawi, 65% ng mga nasugatan at 95% ng mga nawawala ay iniugnay sa tsunami. Sa Region 9 at Region 12 lamang, naitala ang libo-libong namatay, nawawala at nasugatan.
Mas naging mapaminsala ang sakuna dahil hatinggabi nang mangyari ang lindol, kaya marami ang nasa loob ng kanilang mga tahanan at walang sapat na oras upang makapaghanda sa pagdating ng tsunami. Sa kasaysayan, ang Moro Gulf earthquake at tsunami ay nananatiling isa sa pinakamalulubhang lindol at tsunami disaster na tumama sa Pilipinas.
Limampung taon na ang lumipas, ngunit nananatili ang aral ng “Midnight Killer”: ang malakas na lindol ay maaaring sundan ng tsunami, lalo na sa mga komunidad na malapit sa baybayin. Kaya mahalagang tandaan ang mga natural na senyales ng tsunami, kabilang na rito ang malakas na lindol, biglaang pag-atras o pagtaas ng tubig-dagat, at kakaibang dagundong mula sa dagat, kapag naranasan na ang mga ito, ay agad na lumikas patungo sa mataas at ligtas na lugar kapag naramdaman ang mga ito.







Views Today : 53
Views Yesterday : 91
Views Last 7 days : 519
Views Last 30 days : 2219
Views This Month : 731
Views This Year : 34074
Total views : 46209
Leave a Reply