𝐅𝐀𝐊𝐄 𝐏𝐎𝐒𝐓 𝐁𝐈𝐍𝐀𝐒𝐀𝐆 𝐍𝐆 𝐌𝐒𝐒𝐃: 𝐖𝐀𝐋𝐀𝐍𝐆 𝐌𝐄𝐄𝐓𝐈𝐍𝐆, 𝐖𝐀𝐋𝐀𝐍𝐆 𝐕𝐀𝐋𝐈𝐃𝐀𝐓𝐈𝐎𝐍, 𝐖𝐀𝐋𝐀𝐍𝐆 𝐁𝐀𝐒𝐄𝐇𝐀𝐍

Mariing nilinaw ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) na walang katotohanan ang mga kumakalat na post sa social media hinggil sa sinasabing 83 guro sa Lanao del Sur na umano’y kabilang sa listahan ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Ayon sa MSSD, walang anumang opisyal na ulat o dokumentong nakarating sa ahensya na nagpapatunay sa naturang alegasyon. Ang mga listahan at numerong kumakalat online ay hindi dumaan sa tamang validation process at hindi inilabas ng alinmang lehitimong ahensya ng pamahalaan.

Mariin ding itinanggi ng MSSD ang pahayag na may naganap umanong pagpupulong sa pagitan ng MSSD at Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) kaugnay ng isyu. Ayon sa ahensya, walang anumang meeting na naganap at ang naturang pahayag ay purong maling impormasyon.

Dagdag pa ng MSSD, maling ginamit ang mga larawang kalakip sa kumakalat na post. Ang mga litrato ay kuha pa noong Oktubre 31, 2024, sa ginanap na MOA Signing sa pagitan ng MSSD at MBHTE para sa technical-vocational skills training ng mga 4Ps beneficiaries—isang aktibidad na walang anumang kaugnayan sa alegasyong ipinapakalat online.

Nilinaw rin ng MSSD na ang indibidwal na naglabas ng naturang impormasyon ay walang opisyal na ugnayan o katungkulan sa MSSD, sa 4Ps, o sa MBHTE, dahilan upang kuwestiyunin ang kredibilidad at layunin ng naturang post.

Binigyang-diin ng MSSD na patuloy ang masusing pagbabantay at pagsusuri sa implementasyon ng 4Ps upang matiyak na ang mga benepisyaryo ay tunay na karapat-dapat at ang tulong ng pamahalaan ay napupunta lamang sa mga nangangailangan.

Kasabay nito, hinikayat ng MSSD ang publiko na maging mapanuri at iwasan ang paniniwala at pagpapakalat ng mga balitang hindi nagmumula sa opisyal na social media platforms ng MSSD at 4Ps. Para sa anumang impormasyong may kinalaman sa posibleng iregularidad, pinapayuhan ang mamamayan na makipag-ugnayan sa 4Ps-BARMM Grievance Hotline sa numerong 0969-621-0019 o magpadala ng mensahe sa opisyal na Facebook page ng MSSD.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Our Visitor

020794
Views Today : 104
Views Yesterday : 129
Views Last 7 days : 682
Views Last 30 days : 3631
Views This Month : 2349
Views This Year : 18211
Total views : 30346