Isang petisyon ang inihain sa Korte Suprema na kumukwestyon sa konstitusyonalidad ng Bangsamoro Autonomy Act No. 85 (BAA 85), ang batas na naglalaan ng pondo para sa operasyon ng Bangsamoro Government para sa taong 2026.
Sa kasong G.R. No. E-05105, iginiit ng mga petitioner na nilalabag ng nasabing batas ang 1987 Philippine Constitution at ang Bangsamoro Organic Law.
Ayon sa petisyon, dalawang pangunahing isyu ang kanilang inihain. Una, ang umano’y paglabag sa mandato na dapat bigyang pinakamataas na prayoridad ang edukasyon. Sa ilalim ng BAA 85, ang Ministry of Education ay tumanggap lamang ng 23.22% ng kabuuang pondo—mas mababa ng ₱6.16 bilyon kumpara sa orihinal na panukala at ₱5.65 bilyon na mas mababa kaysa sa budget nito noong 2025. Wala umanong malinaw na paliwanag sa nasabing pagbawas.
Ikalawa, binigyang-diin ang umano’y labis na konsentrasyon ng pondo sa ilalim ng kontrol ni Abdulraof Macacua, kung saan umabot sa ₱47.79 bilyon o halos 41.89% ng kabuuang budget ang napunta sa mga pondong direktang hawak o may impluwensya ang kanyang tanggapan.
Kabilang sa mga pondong ito ang Office of the Chief Minister, Contingent Fund, Special Development Fund, Quick Response Fund, at Infrastructure Modernization Fund—na ayon sa petisyon ay may malawak na discretionary control.
Bagama’t kinikilala ng mga petitioner na nasa kapangyarihan ng lehislatura ang paglalaan ng pondo, iginiit nilang maaaring suriin ng hukuman ang mga ito kung may “grave abuse of discretion.” Sa kasong ito, tinukoy nila ang arbitraryong pagbawas sa pondo ng edukasyon at ang pagsasama-sama ng malaking pondo sa iisang opisina bilang malinaw na paglabag.
Dagdag pa, nagbabala ang mga petitioner na ang ganitong sitwasyon ay lalong nakababahala sa harap ng nalalapit na unang parliamentary elections sa Bangsamoro, dahil maaari itong magdulot ng isyu sa transparency, accountability, at wastong paggamit ng pondo ng bayan.
Dahil dito, hinihiling ng mga petitioner sa Korte Suprema na ideklara na unconstitutional ang BAA 85 at agad na ipatigil ang implementasyon nito sa pamamagitan ng Temporary Restraining Order (TRO) o Writ of Preliminary Injunction.








Views Today : 116
Views Yesterday : 87
Views Last 7 days : 648
Views Last 30 days : 3606
Views This Month : 2232
Views This Year : 18094
Total views : 30229
Leave a Reply