Nanawagan ang Independent Election Monitoring Center BARMM sa Commission on Elections Philippines na muling suriin ang umiiral nitong patakaran na naglilimita sa isang nominee lamang bawat organisasyon para sa sectoral representation sa nalalapit na Bangsamoro Parliamentary Elections.
Sa inilabas na press release, iginiit ng IEMC na ang naturang limitasyon ay maaaring magdulot ng hindi patas na representasyon, partikular sa Settler Communities Sector. Ayon sa grupo, ang probisyong ito ay hindi umaayon sa diwa ng Bangsamoro Organic Law, na naglalaan ng dalawang reserved seats para sa sektor na ito.
Ipinaliwanag ni Atty. Benedicto Bacani na mas makatarungan kung papayagan ang bawat organisasyon na mag-nominate ng dalawang kandidato, upang matiyak ang mas malawak at balanseng representasyon, lalo na sa mga isla at geographically isolated areas.
Binanggit din ng IEMC na ang naunang patakaran ng COMELEC ay nagpapahintulot ng dalawang nominees, subalit ito ay kalaunang binago—isang hakbang na nagdulot umano ng kalituhan at pangamba sa mga stakeholder.
Dagdag pa ng grupo, kung mananatili ang one-nominee rule, posibleng maapektuhan ang representasyon ng mga settler communities sa mga isla, dahil maaaring mas mapaboran ang mga kandidato mula sa mas malalaking mainland areas.
Sa huli, nanawagan ang IEMC sa COMELEC na ihanay ang kanilang patakaran sa layunin ng batas at tiyakin ang transparency, fairness, at integridad ng electoral process sa Bangsamoro.








Views Today : 259
Views Yesterday : 107
Views Last 7 days : 994
Views Last 30 days : 3730
Views This Month : 717
Views This Year : 23296
Total views : 35431
Leave a Reply