Bagong oportunidad sa kabuhayan ang binuksan para sa limang kooperatiba sa Maguindanao del Sur matapos ipamahagi ng Pamahalaang Panlalawigan ang kabuuang 3,600 Ready-to-Lay (RTL) chickens bilang panimulang puhunan sa produksyon ng itlog.
Pinangunahan ng Provincial Government, sa pamamagitan ng Office of the Provincial Veterinarian (OPVET), ang pamamahagi nitong Hulyo 4, 2026, bilang bahagi ng mas malawak na agendang pangkabuhayan ni Governor Datu Ali Midtimbang para sa iba’t ibang sektor ng lalawigan.
Bago tumanggap ng mga manok, sumailalim muna ang mga benepisyaryo sa masusing Layer Management Training upang matiyak na mayroon silang sapat na kaalaman sa tamang pag-aalaga, pagpapakain, pangangasiwa, at pagpapatakbo ng kanilang magiging egg production enterprise.
May limang piling kooperatiba mula sa mga bayan ng Buluan, Ampatuan, Datu Paglas, at Mangudadatu ang napabilang sa programa.
Bawat kooperatiba ay tumanggap ng 720 Ready-to-Lay chickens, kasama ang mahahalagang kagamitan tulad ng mga kulungan, patukaan, at inuman.
Hindi lamang mga manok at kagamitan ang ipinagkaloob. Binigyan din ang bawat grupo ng paunang suplay ng vitamins, antibiotics, at feeds na sapat para sa unang pito hanggang sampung araw ng kanilang operasyon upang magkaroon sila ng maayos na pagsisimula sa produksyon.
Sa kabuuan, layunin ng programa na gawing mga bagong “eggpreneurs” ang mga benepisyaryo—mula sa pagiging miyembro ng kooperatiba tungo sa pagpapatakbo ng sariling produktibong kabuhayan.
Sa pamamagitan ng kumpletong startup assistance at sapat na pagsasanay, inaasahang makatutulong ang programa sa paglikha ng dagdag na kita, pagpapalakas ng mga kooperatiba, at pagpapalawak ng lokal na produksyon ng itlog sa Maguindanao del Sur.








Views Today : 30
Views Yesterday : 145
Views Last 7 days : 792
Views Last 30 days : 3748
Views This Month : 3145
Views This Year : 29739
Total views : 41874
Leave a Reply