𝐂𝐎𝐌𝐄𝐋𝐄𝐂 𝐂𝐇𝐀𝐈𝐑 𝐆𝐀𝐑𝐂𝐈𝐀, 𝐓𝐈𝐍𝐀𝐍𝐎𝐍𝐆 𝐊𝐔𝐍𝐆 𝐏𝐀𝐀𝐍𝐎 𝐇𝐔𝐌𝐀𝐍𝐓𝐎𝐍𝐆 𝐒𝐀 𝐏𝐀𝐆𝐊𝐀𝐍𝐒𝐄𝐋𝐀 𝐍𝐆 𝐂𝐎𝐂 𝐍𝐈 𝐀𝐋𝐀𝐌𝐀𝐃𝐀

Muling naging sentro ng talakayan ang pagkakansela ng Certificate of Candidacy (COC) ni Anwar Salipada Alamada, kandidato para sa 5th Parliamentary District ng Maguindanao del Sur, matapos tanungin ni Representative Elijah San Fernando si Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia hinggil sa naging proseso at batayan ng komisyon sa naturang desisyon.

Sa naging pagtalakay, hiningi ni San Fernando kay Garcia ang paglilinaw kung paano humantong ang COMELEC sa tuluyang pagkansela ng COC ni Alamada, partikular kaugnay sa isyu ng kanyang residency o paninirahan.

Una nang kinuwestiyon ng kalabang kandidato na si Rafsanjani Pendatun Ali ang deklarasyon ni Alamada sa kanyang COC na matagal na siyang residente ng Barangay Kudal, Pagalungan, Maguindanao del Sur.

Noong Hulyo 1, naglabas ng desisyon ang COMELEC Second Division na nagkansela sa COC ni Alamada matapos nitong makita na ang kanyang deklarasyon tungkol sa residency ay “false material representation.”

Umapela naman ang kampo ni Alamada, subalit noong Agosto 27 ay pinanatili ng COMELEC En Banc ang naunang desisyon at ibinasura ang kanyang Motion for Reconsideration. Ayon sa komisyon, hindi napatunayan ni Alamada na may sapat na pagkakamali sa naunang ruling o na kulang ang ebidensyang naging batayan nito.

Sa ngayon, sinabi ng kampo ni Alamada na maaari nilang dalhin ang usapin sa Korte Suprema. Samantala, nilinaw naman ni Garcia na kung magiging pinal ang pagkakansela at walang ipalalabas na restraining order ang Supreme Court, ang mga botong ibibigay sa kandidatong may cancelled COC ay ituturing na stray votes.

Ang BARMM Parliamentary Elections ay nakatakda sa Setyembre 14, 2026.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Our Visitor

032132
Views Today : 52
Views Yesterday : 91
Views Last 7 days : 518
Views Last 30 days : 2218
Views This Month : 730
Views This Year : 34073
Total views : 46208