𝐌!𝐋𝐅, 𝐎𝐏𝐀𝐏𝐑𝐔 𝐏𝐈𝐍𝐀𝐆𝐓𝐈𝐁𝐀𝐘 𝐀𝐍𝐆 𝐏𝐀𝐆𝐊𝐀𝐊𝐀𝐈𝐒𝐀 𝐒𝐀 𝐏𝐀𝐆𝐒𝐔𝐒𝐔𝐋𝐎𝐍𝐆 𝐍𝐆 𝐁𝐀𝐍𝐆𝐒𝐀𝐌𝐎𝐑𝐎 𝐏𝐄𝐀𝐂𝐄 𝐏𝐑𝐎𝐂𝐄𝐒𝐒

Malugod na tinanggap ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) Central Committee Chairman at United Bangsamoro Justice Party (UBJP) President Al Haj Murad Ebrahim ang delegasyon ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) sa isinagawang solidarity lunch sa MILF Administrative Camp sa Darapanan.

Pinangunahan ni bagong talagang OPAPRU Secretary at Government of the Philippines (GPH) Peace Implementing Panel Chairman Mel Senen S. Sarmiento ang delegasyon, kasama ang mga kinatawan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

Ayon sa MILF, ipinakita ng pagpupulong ang panibagong sigla sa pakikipag-ugnayan at pagkakaisa ng mga stakeholder upang isulong ang peace process, mapagtibay ang mga nakamit nito, at maisalin sa konkretong benepisyo para sa Bangsamoro people ang mga commitment sa ilalim ng peace agreement.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Murad ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng dayalogo at principled engagement upang makamit ang isang makatarungan, matatag at komprehensibong kapayapaan.

Aniya, kailangang maprotektahan at mapagtibay ang mga nakamit sa loob ng ilang dekada ng pakikibaka, sakripisyo at pagtitiyaga, at maisalin ang mga ito sa matatag na institusyon, tunay na kaunlaran at mas magandang kinabukasan para sa Bangsamoro.

Malugod din niyang tinanggap ang absolute pardon na ipinagkaloob kay Datu Zacaria Candao, na aniya ay bahagi ng masalimuot na kasaysayan ng pakikibaka ng Bangsamoro at ng mahabang proseso tungo sa kapayapaan, katarungan at pagsasakatuparan ng karapatan ng Bangsamoro people sa self-determination.

Samantala, nanawagan si Murad sa lahat ng stakeholder na pangalagaan ang integridad ng kauna-unahang Bangsamoro parliamentary elections.

Iginiit niyang dapat maging transparent, credible, peaceful, at malaya sa intimidation, coercion at manipulation ang proseso ng halalan, anuman ang indibidwal o grupong sangkot.

Binigyang-diin ng MILF chairman na karapatan ng Bangsamoro people na magkaroon ng halalan na mapagkakatiwalaan ng publiko at tunay na sumasalamin sa kanilang malayang kagustuhan.

Ang naturang solidarity lunch ay bahagi ng patuloy na engagement sa pagitan ng MILF at pamahalaan habang isinusulong ang pagpapatuloy at pagpapatatag ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) at ng peace process sa Bangsamoro.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Our Visitor

032131
Views Today : 51
Views Yesterday : 91
Views Last 7 days : 517
Views Last 30 days : 2217
Views This Month : 729
Views This Year : 34072
Total views : 46207