MALINAW ANG KASUNDUAN: AMYENDA NG KONSTITUSYON HINDI KONDISYON SA PAGTATAPOS NG USAPING PANGKAPAYAPAAN

Dusit Thani Hotel, Davao City — Sa gitna ng patuloy na diskurso ukol sa pag-amyenda ng Saligang Batas, matapang na iginiit ni MBHTE Minister at MILF Peace Implementer MP Mohagher Iqbal na hindi kailanman ibinilang sa mga kondisyon ng kapayapaan ang agarang pagbabago ng Konstitusyon bago malagdaan ang Exit Agreement sa pagitan ng MILF at ng Pamahalaan ng Pilipinas.

Ito ang mariing pahayag ni Iqbal sa International Conference “After the Peace Agreements: The Bangsamoro & Beyond” na ginanap ngayong araw sa Davao City, kung saan tinalakay niya ang kritikal na bahagi ng peace roadmap at ang maling interpretasyon umano na tila hinihintay pa ang Charter Change bago tuluyang maisara ang kasunduan.

Ayon kay Iqbal, malinaw na binanggit sa Framework Agreement on the Bangsamoro (FAB) na ang Bangsamoro Transition Commission (BTC) — mula BTC 1 hanggang BTC 2 — ay may mandato na magmungkahi ng amendments sa Konstitusyon kung sakaling hindi naisama sa Bangsamoro Organic Law (BOL) ang mahahalagang probisyong kanilang napagkasunduan.

Hindi lamang sa FAB nakabatay ang mandato. Maging ang Executive Orders nina dating Pangulong Benigno Aquino III at Pangulong Rodrigo Duterte ay kapwa nagpatibay na kung kulang ang batas, maaari ngang magsumite ang BTC ng mga mungkahing amyenda.

Ngunit nilinaw ni Iqbal na hindi kailanman sinabi ng mga kasunduan na dapat mauna ang constitutional amendments bago lumagda ng Exit Agreement ang dalawang panig.

Sa isang prangkang pahayag, ipinaalala ni Iqbal na ang pagtalakay sa pag-amyenda ng Konstitusyon ay madalas nauuwi sa diskusyon lamang at bihirang umusad sa aktwal na proseso.

“For decades, talks about amending the Constitution do not happen,” ani Iqbal.
“Kung hihintayin natin iyon, hindi na matatapos ang peace process. We can sign the Exit Agreement even without amending the Constitution.”

Binanggit din niyang napakababa ng posibilidad na magkaroon ng agarang Charter Change, kaya’t hindi makatarungang iatang ang kapalaran ng kapayapaan sa isang prosesong hindi tiyak kung kailan maisusulong.

Binigyang-diin ng ministro na anumang mungkahing amyenda ng Bangsamoro ay daraan lamang sa demokratikong proseso — isang malinaw na pagtalikod sa nakaraan ng armadong pakikibaka.

“Our efforts to push for constitutional amendments will only be done through democratic struggle,” saad niya.

Ngunit kahit nagpapatuloy ang adbokasiya, hindi raw ito dapat maging dahilan para maantala ang pagtatapos ng peace process.

Giit ni Iqbal, ang pinakamahalagang hakbang ngayon ay tiyaking hindi na mabalam ang pinal na yugto ng kapayapaan dahil lamang sa isyung legal na may mababang tsansang maresolba sa malapit na panahon.

“If we wait for the amendment of the Constitution before signing the Exit Agreement, then we are not really trying to sign it,” aniya.

Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, binigyang-diin niyang handa ang MILF na pumirma sa Exit Agreement batay sa umiiral na balangkas ng kasunduan — at oras na para kumilos ang pamahalaan upang tuluyan nang maisara ang yugto ng dekadang negosasyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Our Visitor

020623
Views Today : 75
Views Yesterday : 47
Views Last 7 days : 634
Views Last 30 days : 3539
Views This Month : 2104
Views This Year : 17966
Total views : 30101