Ipinapaabot ni Bangsamoro Health Minister Dr. Kadil “Jojo” M. Sinolinding Jr. ang taos-pusong pasasalamat sa United Nations Development Programme (UNDP) dahil sa matatag at pangmatagalang pakikipagtulungan para sa proyektong Renewable Energy and Energy Efficiency: Access for Climate Security and Health Services (RE3ACHS) na layong palakasin ang operasyon ng mga Rural Health Units (RHUs) sa Lanao del Sur.
Sa ilalim ng programang may suporta rin mula sa Government of Japan, limang health facilities ang makatatanggap ng mga materyales para sa paglalagay ng hybrid solar PV systems na may kapasidad na 10kwp hanggang 20kwp. Kabilang dito ang:
- Tamparan Provincial Hospital – Main Hospital (ground-mounted system)
- Tamparan RHU (roof-mounted system)
- Tamparan Provincial Hospital Extension Center sa Butig
- Ditsaan-Ramain RHU
- Wao RHU
Aabot sa USD 161,000 o humigit-kumulang ₱9.35 milyon ang kabuuang halaga ng materyales para sa mga pasilidad. Sasagutin naman ng MOH ang gastos sa labor at full installation ng solar systems hanggang mid-March 2026.
Bilang katuwang, ang UNDP ang magbibigay ng technical system design, installation monitoring, testing, at training para sa mga personnel na mangangasiwa ng sistema.
“Ang tunay na pag-unlad ay nakasalalay sa matatag na partnership. Maraming salamat sa tiwala, UNDP,” pahayag ni Sinolinding sa kanilang pulong kasama si UNDP Resident Representative Mr. Knut Ostby sa Maynila. Dagdag pa niya, “Matagal nang kasama ng MOH ang UNDP—at mananatiling katuwang sa mga susunod pang taon.”
Sinabi rin ng Ministro na ang proyekto ay “magbibigay ng matatag, renewable at maaasahang elektrisidad sa mga liblib at mahirap maabot na lugar,” na kritikal sa pagpapatuloy ng operasyon ng mga health facilities at diagnostic services.
Ayon naman kay Ostby, “Inaasahan ng UNDP ang tagumpay ng partnership na ito para sa enerhiya at climate security ng serbisyong medikal sa Lanao del Sur.”







Views Today : 81
Views Yesterday : 47
Views Last 7 days : 640
Views Last 30 days : 3545
Views This Month : 2110
Views This Year : 17972
Total views : 30107
Leave a Reply