Mariing pinabulaanan ni Deputy Minister Zul Qarneyn M. Abas ang kumakalat na mapanirang alegasyon sa social media hinggil umano sa maling paggamit ng pondo ng SGAFHO MOOE, at iginiit na ni isang piso ay wala siyang kinuha mula sa nasabing pondo simula nang ito ay maitatag.
Sa isang matapang at diretsahang pahayag na inilathala sa kanyang opisyal na Facebook account, nilinaw ni Abas na ang SGAFHO MOOE ay striktong nakalaan lamang para sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) at hindi maaaring galawin o pakinabangan ng sinuman para sa personal na interes.
“Pwede naman po kayong magtanong kung saan napupunta ang budget. Bibigyan ko po kayo ng audited financial statement—down to the single peso,” hamon ni Abas, sabay iginiit na bukas sa masusing pagsusuri ang lahat ng transaksyon.
Tahasang itinanggi rin ng Deputy Minister ang mga paratang kaugnay ng procurement ng gamot sa Special Geographic Area (SGA), at ipinaliwanag na ang lahat ng pagbili ay dumadaan sa transparent at legal na bidding process sa ilalim ng Ministry of Health (MOH). Aniya, ang buong proseso ay may partisipasyon ng end-users, suppliers, at Commission on Audit (COA)—mula simula hanggang matapos.
Binigyang-diin pa ni Abas na mula nang siya ang humawak ng Bids and Awards Committee (BAC) para sa goods at infrastructure, bumilis, naging mas kompetitibo, at mas naging episyente ang procurement process ng MOH. Ayon sa kanya, mas dumami pa ang mga nagbi-bid, kabilang ang mga supplier na nagmumula pa sa malalayong lugar gaya ng Northern Luzon.
“Wala po kaming natanggap ni isang major complaint mula sa suppliers. Walang ghost deliveries. Kung may supplier na hindi agad nababayaran, kami mismo ang nagfa-facilitate ng payment,” giit ni Abas, sabay sabing ito ay malinaw na mandato sa kanya ng Minister na si Minister Sinolinding, na kanyang sinunod nang buong-buo.
Hindi rin pinalampas ng Deputy Minister ang pinanggalingan ng alegasyon, na aniya’y mula sa isang dummy account, at nanawagan ng responsableng paggamit ng social media.
“Next time, mag-fact check muna bago mag-post para hindi mapahiya,” mariing paalala niya.
Ang pahayag ni Abas ay itinuturing na matapang na paninindigan laban sa disimpormasyon at isang malinaw na mensahe na ang pamahalaan ay handang ipagtanggol ang integridad ng serbisyo publiko gamit ang dokumento, audit, at transparency—hindi haka-haka at paninira.








Views Today : 148
Views Yesterday : 153
Views Last 7 days : 1073
Views Last 30 days : 3699
Views This Month : 2421
Views This Year : 25000
Total views : 37135
Leave a Reply