Naglabas ng pahayag si Frances Cynthia J. Guiani, dating Solicitor General ng ARMM, bilang tugon sa isang hindi pinangalanang miyembro ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) kaugnay ng interpretasyon sa probisyon ng Bangsamoro Organic Law o Republic Act No. 11054.
Sa kanyang Facebook post, iginiit ni Guiani na ang pagtanggal umano ng salitang “membership” sa pinal na bersyon ng BOL ay hindi nangangahulugang nawala ang karapatan ng MILF sa mayoryang representasyon sa 80-member Bangsamoro Transition Authority. Ayon sa kanya, ang mismong diwa ng “MILF-led” sa ilalim ng Article XVI, Section 2 ng batas ay nagpapahiwatig ng higit pa sa simbolikong pamumuno.
“Paano mo pamumunuan ang isang 80-member assembly kung wala kang structural majority?” ani Guiani. Binigyang-diin niya na sa anumang parliamentary o demokratikong institusyon, ang liderato ay hindi lamang titulo kundi may kaakibat na kakayahang magpasa ng batas, bumuo ng quorum, at magpatakbo ng gobyerno. Kung ang isang lider ay minoridad sa bilang, aniya, magiging hungkag ang konsepto ng pamumuno.
Ipinaliwanag din niya ang tinatawag na “Doctrine of Meaningful Leadership.” Ayon sa kanya, sa legal interpretation, hindi kailangang ulitin ang salitang “membership” kung ang terminong “to lead” ay sapat na upang ipahiwatig ang kontrol sa mayorya. Tinukoy niya ang prinsipyo ng “surplusage” sa batas—na hindi inuulit ang isang konseptong likas nang nakapaloob sa isang salita. Kung ang 41 miyembro ng BTA na itinalaga ng Pangulo ay hindi manggagaling sa listahan ng MILF Central Committee, giit niya, ang tunay na namumuno ay ang appointing authority at hindi ang organisasyon na kinikilala ng peace agreement.
Binalikan din ni Guiani ang kasaysayan ng transisyon mula sa ilalim ng Republic Act No. 9054 patungo sa kasalukuyang BOL. Aniya, hindi maaaring ihambing ang dating ARMM setup sa BARMM dahil magkaiba ang batas at legal framework. Noong panahon ng ARMM, wala ang probisyong “MILF-led” dahil hindi pa umiiral ang kasunduan sa pagitan ng pamahalaan at MILF.
Sa konteksto ng peace process, iginiit niya na ang BARMM ay kinilala ng Korte Suprema bilang isang “unique political entity,” partikular sa desisyon sa tinaguriang 2024 Sulu case. Ang MILF, aniya, ay hindi simpleng grupo lamang kundi isang peace partner sa ilalim ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB). Kung hahayaan umanong ang National Government ang magtakda kung sino ang kikilalaning “MILF” sa pamamagitan ng pagtalaga ng hindi endorsed ng Central Committee, maaaring masaling ang prinsipyo ng autonomy na siyang puso ng kasunduan.
Binigyang bigat din ni Guiani ang tinawag niyang “contemporaneous construction” o ang unang implementasyon ng batas. Noong 2019, tinanggap ng administrasyon ni Rodrigo Duterte ang kabuuang 41-man list na isinumite ng MILF. Para kay Guiani, malinaw itong indikasyon na ang “MILF-led” ay kinilala noon bilang karapatang pumili ng sariling kinatawan.
Sa kabila ng matalas na legal na punto, nilinaw ni Guiani na wala siyang personal na interes o politikal na ambisyon sa isyu. Aniya, hindi ito labanan ng talino o diplomasya kundi usapin ng interpretasyon ng batas. Tinanggihan din niya ang mga paratang na siya ay “anti-BOL,” at iginiit na ang kanyang layunin ay magbigay ng patas at tapat na legal na pananaw.
“Ang pag-interpret sa batas ay hindi lang pagbabasa ng kung anong tinanggal na salita, kundi pag-unawa sa natirang diwa,” pahayag niya. Para sa kanya, ang “MILF-led” mandate ay hindi lamang teknikal na probisyon kundi isang political at peace-building commitment.
Sa huli, iginiit ng dating ARMM SolGen na ang pinakamataas na hukuman ang may huling salita sa usapin kung ang “leadership” ba ay isang titulong simboliko lamang o may kaakibat na tunay na representasyon at kapangyarihan.
Sa gitna ng umiinit na diskurso, nanawagan si Guiani ng respeto sa magkakaibang opinyon at pananatiling tapat sa kapayapaan at sa batas—isang paalala na sa Bangsamoro, ang bawat salita sa batas ay may bigat, at bawat interpretasyon ay may implikasyon sa direksyon ng rehiyon.







Views Today : 30
Views Yesterday : 85
Views Last 7 days : 831
Views Last 30 days : 3505
Views This Month : 2813
Views This Year : 18675
Total views : 30810
Leave a Reply